Sikat na Manghuhula at Aktres sa Pelikula

Marso 11, 1940 – Oktubre 30, 2020

Isinilang bilang Aurea Sabalboro, si Madam Auring ay anak nina Luciana Damian at ng barberong si Jaime Erfelo. Ang kanilang pamilya ay mahirap lamang. Ngunit, hindi iyon naging hadlang upang siya ay mangarap na sumikat at magkaroon ng mas maalwan na buhay balang araw.

Nag-umpisa siya sa showbiz industry sa pamamagitan ng kaliwa’t kanan na pagbisita sa mga set ng pelikula sa pag-asang mabibigyan siya ng kahit maliliit lamang na eksena. Siya rin ay naging isang dancer at ginamit niya ang pangalan na Aurea Aura bilang screen name. Ang kaniyang pamosong piyesa bilang dancer ay pinamagatang ‘Fascination.’

Nang magkaroon ng sariling pamilya, nagdesisyon siyang magbukas ng beauty parlor, at mag-alok din ng serbisyong panghuhula upang makaagapay sa mga gastusin.

Sumikat siya sa buong bansa nang mahulaan niyang mananalo ang pambato ng Spain na si Amparo Muñoz sa Miss Universe noong 1974. Nahulaan din niya ang pagkapanalo ng pamosong boksingero na si Muhammad Ali sa “Thrilla in Manila” boxing event na ginanap sa Pilipinas noong 1975. Sinasabing si Muhammad Ali ang nagbinyag sa manghuhula bilang Madam Auring.

Mula noon ay umalwan na ang kaniyang buhay, sapagkat dinayo na siya at kinilala bilang Madam Auring. Maging ang malalaking tao sa politika at showbiz ay nagpapahula na rin sa kaniya.

Nagbalik-showbiz si Madam Auring hindi na bilang extra kundi bilang aktres. Kadalasan, ang ibinibigay sa kaniyang role ay bilang manghuhula rin. Ilan sa mga pelikulang pinagtampukan niya ay ang Family Tree ni Direk Mike Relon Makiling (1987), I Will Survive ni Direk Joel Lamangan (2004), Bikini Open, isang ‘mockumentary’ ni Direk Jeffrey Jeturian (2005), at Manay po 2: Overload (2008), muli ni Direk Joel Lamangan.

Sa edad na 80 ay pumanaw noong Oktubre 30, 2020 ang pinakaunang manghuhula na naging icon sa pop culture ng Pilipinas.

Hindi maikakailang nananatiling sikat si Madam Auring dahil sa mga kontrobersiya, gaya ng sariling buhay-pag-ibig, at pakikipag-argumento sa mga kapuwa niya celebrity. Ngunit sa likod ng mga balitang ito, kakaunti lamang ang nakakaalam kung ano siya bilang isang ilaw ng tahanan. Ayon sa manunulat na si Mario Dumaual, “In the long time I covered her, I remember her as a protective mother to her family. Even in the twilight of her life, she continued to manage her boutique and still read cards on the side in her shop along Congressional Road, Quezon City.

Several times, away from the noise of showbiz, she told us that her reason for working and living is family, which she successfully shielded from the prying eyes of the public. One of her most memorable anecdotes was how she never forgot to tuck her kids in bed and pray at their bedside for their well-being.”

Makukumpirma ito ng publiko sa pahayag ng apo ni Madam Auring na si Daryl Simon Pecson sa social media nang pumanaw ang paboritong manghuhula ng bayan,

“Grabe ang pinag daanan mo during your senior years pero you still worked hard for your family (us), I feel sad and happy: sad kasi i will never see you again, mga wisdom words mo, korni jokes, happy bondings, and pagkurot sa aking pisngi hanggang mamula. Happy ako, kasi you have done everything you could to make us feel loved the way you know how, your struggles are over. You fought your battles silently… You shall always be in our hearts. Love you.”

Categories: Obituaries

0 Comments

Leave a Reply

Avatar placeholder

Your email address will not be published. Required fields are marked *