Premyadong Manunulat, Aktor, Guro at Anak ng Magsasaka

Agosto 4, 1939 – Hulyo 29, 2021

Kilala bilang Mang Domeng, ang manunulat na si Domingo Landicho ay nakapaglathala na ng 50 aklat ng tula, maikling kuwento, nobela, dula, talambuhay, literaturang pambata at mga aklat ng pag-aaral. Siya rin ay aktor sa dula, pelikula at telebisyon.

Isinilang sa payak na pamumuhay si Mang Domeng sa Luntal, Taal, Batangas noong Agosto 4, 1939. Siya ay anak ng magsasaka. Nagtapos siya sa Batangas National High School at kumuha ng mga kursong Bachelor of Arts at BS in Journalism sa Lyceum of the Philippines. Tuloy-tuloy siya sa kanyang pag-aaral. Natapos niya ang kanyang MA sa Education sa National Teachers College. Nais siyang maging abogado ng kanyang mga magulang kaya siya ay nagtapos din ng Bachelor of Laws sa Lyceum. Ngunit pagsapit ng dekada 90, siya ay pumasok na sa pag-aaral hinggil sa lipunang Filipino. Noong 1994, nakuha niya ang kanyang Ph.D sa Pilipinolohiya mula sa Unibersidad ng Pilipinas.

Siya ay lumilikha ng mga obra at nagtatanghal habang siya ay nag-aaral.

Naging manunulat siya ng Bongga tabloid magazine ng pahayagang Manila Chronicle. Nalathala rin ang kanyang mga kuwento sa Philippine Free Press noong dekada 70.

At ayon kay Gardy Labad, “he has written a number of beautiful plays for PETA (Philippine Educational Theater Association) in the 70s! Staged at the Raha Sulayman Theater (in Intramuros) and at the La Ignaciana Wet Season Venue! Domeng was also an actor!”

Nagsulat din si Mang Domeng ng tatlong dula para sa Dulaang UP: Toreng Gareng (1977), Dapithapon (1978), at Elias at Salome A Musical (1997). Gumanap din siya bilang aktor na Pilosopong Tasyo (Noli Fili, 1992), bilang Guro (Ang Pagbabalik ng Madame, 1992), at bilang Brother Sammy (Ang Butihing Babae ng Timog, 1993).

Lagi siyang iniimbitahang magtanghal at magbasa ng kanyang mga tula sa mga poetry reading, vigil, piyesta, pagpuputong ng korona sa mga beauty queen, at iba pang mahalagang anibersaryo at pagdiriwang. Dahil dito, siya ay tinaguriang “poet of the people” o makata ng masa, gaya ni Huseng Batute. Ang kanyang mga tula ay itinatampok at itinatanghal sa iba’t ibang sulok ng Pilipinas bilang bahagi ng extension program ng Cultural Center of the Philippines.

Sa kanyang mga tula ay laging tampok ang mga nangyayari sa bansa. Bago ideklara ang batas militar, lagi siyang nagtatanghal ng kanyang mga progresibong tula sa malalaking pagtitipon ng mga aktibista.

Ang tula naman ni Mang Domeng na “Kaya ng Pinoy” (The Filipino Can) ay regular na itinatampok sa mga rally sa EDSA, na may kinalaman sa People Power, sa pamamagitan ng grupong Kontra-Gapi, isang performing group na gumagamit ng mga katutubong instrumento sa paglikha ng musika. Ang tula rin niyang ito ay itinanghal ng Apo Hiking Society sa isang popular na TV program noon.

Sa kalagitnaan ng dekada 80, siya ang regular na makata ng Sic O’Clock News, isang sikat na TV program sa Channel 13. Itinatanghal din niya ang kanyang mga tula sa iba pang TV program, gaya ng Public Forum ni Randy David at Make My Day ni Hilarion Henares Jr. Itinanghal din niya ang kanyang tula bilang rap sa isang rally laban sa mga base militar ng mga Amerikano noong kainitan ang isyu ng kanilang pananatili sa Pilipinas.

Gumanap din siya sa ilang pelikula. Isa rito ay ang “Year of Living Dangerously” sa direksiyon ni Peter Weir, at kasamang aktor sina Mel Gibson at Sigourney Weaver noong dekada 80.

Binabasa ni Mang Domeng ang kanyang mga tula sa sariling radio program na Iskolar ni Dr. Propesor sa Radyo Veritas noong kalagitnaan ng dekada 90. Karaniwan ding binabasa ang kanyang mga tula sa Radyo Balintataw ng DZRH, ito ay isang pangkulturang programa na pinamumunuan ni Cecile Guidote Alvarez.

Noong tag-init ng 2001, katuwang ang munisipyo ay nagsagawa ng palihan sa pagtula si Mang Domeng sa mga estudyante ng elementary at high school sa sariling bayan, ang Taal, Batangas. Ito ay nagsilang ng isang koleksiyon ng mga tula ng 45 kabataang makata. Dito rin itinatag ang Ugnayan ng Talino sa Adhikain ng Kapatiran (Utak). Pangarap ni Mang Domeng na maging pambansang organisasyon ang Utak para maipalaganap ang mga adhikain ng grupo sa pagsusulat.

Noong 2002, siya ang kumatha ng Panalangin ng Bayan para sa State of the Nation Address ng Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Sa parehong taon ay kinomisyon siya ng dating secretary ng Department of Environment and Natural Resources na si Heherson Alvarez upang sumulat ng mga tula batay sa mga painting na gawa ng mga Filipinong artist, na bahagi ng Water Sail Festival sa Boracay.

Bilang guro ay matagal siyang naglingkod sa UP Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas. Siya ay naging Writer-in-Residence nito. Naglingkod din siya bilang associate director for criticism ng UP Likhaan Institute of Creative Writing. Siya ay ginawaran ng honorary title ng Professor Emeritus ng malikhaing pagsulat at panitikan sa UP Kolehiyo ng Arte at Literatura sa kanyang pagreretiro noong 2004. Isa sa mga naging proyekto ng UP DFPP ay ang paligsahan sa pagsulat at pagtatanghal ng mga malikhaing akda at tinawag itong Landichohan bilang pagpupugay kay Mang Domeng. Itinalaga namang Writer-in-Residence si Mang Domeng ng De La Salle University nang taong 2010-2011.

Taong 2013 naman nang siya ay magpinta at makapag-exhibit ng sariling visual artworks sa GSIS Museum.

Ang kanyang mga natanggap na parangal at puwesto sa loob at labas ng bansa ay ang sumusunod: siya’y naging pangulo ng 16th World Congress of Poets na nagdaos ng isang pandaigdigang kongreso ng mga makata sa Clark Field sa Angeles City, Pampanga noong 2000. Pinili siyang isa sa 2000 Outstanding Writers of the 20th Century ng International Biographical Centre, Cambridge, England para sa taong 2000. Tumanggap din siya ng Artist Ambassador Award mula sa Artist Embassy International sa California, USA, noong 2000, Poet of the Millenium Award mula sa International Poets Academy, India, noong 2000 at Southeast Asian Writers Award noong 2003 sa Thailand. Pinarangalan siya ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL) ng Gawad Balagtas para sa kanyang mga katha. Tumanggap siya ng maraming Palanca Award, Catholic Mass Media Awards, KADIPAN Literary Contest Award, at Institute of National Language Awards. Naglingkod din siya bilang direktor para sa Asia of Poet Laureate International. Kasapi rin siya ng PEN International, at honorary member ng International Writers’ Workshop ng University of Iowa, USA.

Si Mang Domeng ay pumanaw noong Hulyo 29, 2021 sa edad na 81.

Ang ilan sa mga tula, nobela at kuwento ni Mang Domeng ay inilathala bilang mga librong Paglalakbay, Mga Piling Tula (1974); Himagsik, Mga Nagkagantimpalang Kuwento (1972); Sa Bagwis at Sigwa (1976); Niño Engkantado (1979); Alay Katipunan ng mga Piling Tula (1984); Tula sa Ating Panahon (1989); Dupluhang Bayan at Dalawa pang Tula (1990); Apoy at Unos Katipunan ng mga Tulang Popular (1993), Anak ng Lupa (1995), Ina at Ibang Katha (1998), Mata ng Unos (2003) na ayon sa guro at kritikong si Teresita Maceda, “this is the only novel in post-modernist style that deals fully on Marial Law experiences,” at Bathaluman at Ibang Kuwento (2005).

Isa sa mga nobela ni Mang Domeng ay itinanghal bilang Carlos Palanca Memorial Award Grand Prize Winner. Ito ay ang Bulaklak ng Maynila (1995). Di kalaunan ay ginawa itong pelikula. Kinilala sa maraming pagkakataon at nailipat sa iba’t ibang plataporma ang nobela niyang ito. Naglathala din siya ng aklat kasama ang asawa, at pinamagatan itong Supremo. Ayon sa UP Press: Ang dalawang akda sa aklat ay bunga ng magkahiwalay na panahon ng pagsulat at kapwa nagkamit ng pagkilala sa taon ng paglikha. Nagkagantimpala ang Supremo, dulang pampelikula ni Domingo G. Landicho, sa paligsahang itinaguyod ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas at UP Film Center noong 1976. Nagtamo ang Sa Ngalan ng Bayan, sarsuwela ni Edna May Obien-Landicho, ng Gawad Sentenyal sa Panitikan noong 1998 sa pagdiriwang ng ika-100 anibersaryo ng Pilipinas. Ang malikhaing panulat ng magkabiyak na manunulat ay waring itinadhanang maging bahagi ng isang aklat pangkasaysayan sa dalawang anyong pampanitikan. Ang paglalathala nito ay wari ding tunay na ipinaghintay at itinakda sa isang mahalagang tadhana: ang pagsalubong sa ika-150 taon ng pagsilang ni Gat Andres Bonifacio sa 2013. Kapwa naniniwala ang magkabiyak na pinakamabisang baluyan ng diwa ng kabayanihan ng lahi ang mga malikhaing akda. Ito ang magkatuwang nilang pagpupunyagi para ipalaganap ang kabayanihan ni Andres Bonifacio, na kanilang kinikilalang tunay na sagisag ng kadakilaan ng uring anakpawis.

Narito ang mabubuting salita tungkol kay Mang Domeng mula sa Likhaan: UP Institute of Creative Writing: Through the years, he has shaped Philippine literature with dozens and dozens of his books and contributions to publications, including “Supremo,” a dramatic play he had co-written with his beloved wife Edna May Obien. As Professor Emeritus of the UP Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas, there is also no doubt about the many, many students he had helped grow.

Categories: Obituaries

0 Comments

Leave a Reply

Avatar placeholder

Your email address will not be published. Required fields are marked *