Television Producer and Director

Hulyo 16, 1947 – Agosto 4, 2021

Si Kitchie Benedicto-Paulino ay isang producer at direktor na sa loob ng apat na dekada ang tumulong lumikha at magbigay-buhay sa napakaraming palabas sa telebisyon na naging bahagi na ng kamalayan and popular na kultura ng mga Pilipino, tulad ng “John en Marsha” at “Darna.”

Tipikal na kolehiyalang maituturing si Kitchie Benedicto-Paulino. Maykaya at maimpluwensya ang kanyang pamilya – anak siya ng yumaong dating ambassador at negosyanteng Roberto Benedicto.

Nag-aral siya sa Maryknoll College (Miriam College na ngayon) simula kinder hanggang high school. Dito niya naging kaklase si Tessa Jasminez, sportswriter at propesora sa University of the Philippines (UP).

“Butz” ang tawagan nilang dalawa, pinaiksing “butangera,” pero hindi naman daw dahil palaaway sila o lapitin ng gulo. Malalakas lang ang loob, mapangahas. Tahimik, mahinhin o masunurin? Hindi sila iyon.

Sikat si Kitchie sa eskuwela – kasali sa halos lahat ng program, naglaro ng baseball, hindi matawaran sa pagbibiro. Idolo siya kahit ng mga mas matatanda sa kanila.

Alaala pa ni Tessa, bumuo sila ng banda noong high school – ang The Tiffins – noong hindi pa uso ang girl bands. Lead guitar ang hawak ni Kitchie, drums si Tessa, at dalawang kaibigan pa ang humawak ng bass guitar at rhythms. Naghanap sila ng mga Atenistang magtuturo sa kanila ng kantang “Mr. Moto” ng The Bel-Airs. Tinugtog nila ito sa isang luau noong ikatlong taon nila. Noong una, tuwang-tuwa ang mga kaklase nila, pero dahil ‘yun lang ang alam nilang awit, inulit-ulit na lang nila ang pagtugtog nito.

Pumasok si Kitchie sa UP para kumuha ng Business Administration pero di kalaunan, lumipat din sa College of Mass Communication para sundin ang tunay niyang hilig. Kabilang siya sa pangalawang batch ng mga kumuha ng kursong Broadcast Communication. At iyong student org na Broadcasting Association – mas kilala sa tawag na BroadAss? Isa siya sa dalawang nagtatag nito.

‘Yun nga lang, napakarami pang ibang ginagawa ni Kitchie – nagbiyahe, nagpatakbo ng kung anong organisasyon, nagtrabaho – kaya’t hindi siya nakatapos ng kolehiyo kasabay ng mga kaibigan. Pero hindi niya kinalimutan ang diploma nya. Pagkatapos ng maraming taon, bumalik siya sa UP para ituloy ang kurso at si Tessa mismo ang naging thesis adviser nya. Kasabay niyang nagtapos ang anak niyang si Tintin noong 1991.

Sa edad na 25, naging general manager si Kitchie ng RPN 9 noong martial law, ang pangunahing istasyon noong mga dekada ‘70s at ‘80s na pagmamay-ari ng kanyang ama.

Limang departamento ang hinawakan nya: news, public affairs, entertainment, production services, branch operations. Naging producer siya ng mga sikat na programa sa telebisyon na naging bahagi na ng kamalayan ng mga Pilipino, kabilang ang “Superstar,” “Vilma in Person,” “John en Marsha,” “Darna,” “Kuskos Balungos,” at “Kaluskos Musmos.”

Tumira siya sa Amerika ng maraming taon, at pagbalik niya sa Pilipinas noong unang bahagi ng 2000s, nagprodyus at nagdirek uli siya ng mga programa. Nagtayo din siya ng isang talent managing company at humawak ng shares ng ilang korporasyon, kasama na ang RPN-9 nang nakipag-joint venture ito sa Solar Entertainment, na naging CNN Philippines na ngayon.

Noong 2013, ginawaran si Kitchie ng Ading Fernando Lifetime Achievement Award sa Star Awards ng Philippine Movie Press Club.

Pinagplanuhang mabuti nina Kitchie at Tessa ang kanilang presentasyon para sa Golden Jubilee ng batch nila sa Maryknoll noong 2014. Tuwang tuwa ang mga kaklase nila – “pakiramdam namin, stars din kami,” sabi ni Tessa. Nasundan pa ito ng di-mabilang na reunion at simpleng pagtitipon sa mga sumunod na taon.

“She lived life in primary colors,” wika ni Tessa sa kanyang eulogy nung pumanaw si Kitchie sa edad na 74.

Masayang kasama at walang sinasanto si Kitchie. Ngunit siya din ang pinakamalambing, pinakamaalalahanin, at pinakamapagbigay na kaibigan. Mananatiling bata si Kitchie sa mata ng lahat, kahit na isa rin siyang ina at lola. Makulit, masayahin, laging nag-iisip kung ano ang nararamdaman ng iba at ano ang magpapasaya sa kanila.

Punong-puno siya ng buhay. “Ang hirap isipin na wala na siya,” ani Tessa.

Categories: Obituaries

0 Comments

Leave a Reply

Avatar placeholder

Your email address will not be published. Required fields are marked *