Inhinyero, Arkibista, Siyentista ng bayan
Marso 20, 1944 – Agosto 28, 2021
Minsang sinabi ng siyentistang si Albert Einstein, “Tanging ang buhay na sa kapwa laan, ang buhay na makabuluhan.”
Ito marahil ang mantra na tapat na sinundan ni Engineer Ramon Ramirez o mas kilala ng iba’t ibang henerasyon ng mga aktibista at kanyang mga ka-brod sa fraternity na Beta Epsilon bilang si “MonRam.”
Siya ay ipinanganak sa Albay noong Marso 20, 1944, nagtapos sa Albay High School bilang valedictorian, at pumasok sa College of Engineering ng Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman noong 1961. Kalaunan, siya ay magiging topnotcher ng 1967 Electrical Engineering board exam.
Nagtrabaho siya bilang engineer sa ilang kilalang kumpanya gaya ng BF Goodrich, Allied Thread textile mill, at San Miguel Corporation (SMC). Habang nasa SMC, napukaw siya ng mga panlipunang usapin, at magiging bahagi ng Samahan ng Makabayang Siyentipiko (SMS) noong 1970. Dito niya lubos na ibinahagi ang kanyang talino at nalalaman bilang inhinyero. Imbes na magpayaman sa kanyang propesyon at talino, pinili niyang gamitin ang mga ito upang makatulong sa kapwa at maging kapaki-pakinabang sa masa.
Dalawang beses na napiit si MonRam dahil sa kanyang mga paninindigan, una ay noong 1973 at muli ay noong 1992.
Patuloy niyang ginamit ang kanyang talino sa mga usaping panlipunan, tumulong siya sa pagtatatag ng AGHAM (Advocates of Science and Technology for the People) noong 1999. Noong 2003 ay naging convenor siya ng People Opposed to Warrantless Electricity Rates (POWER) kasama ang batikang unyonista at Bayan Muna Representative Crispin Beltran. Dito ay nilabanan nila ang di makatarungang dagdag-singil ng MERALCO. Umabot ang laban hanggang Korte Suprema, kasama ang pagkilos ng mamamayan, nagwagi ito at inutusan ng Korte ang higanteng kumpanya na ibalik sa kanilang mga konsyumer ang labis na singil na abot hanggang sa bilyon-bilyong piso.
Maraming beses na rin siyang nagbigay ng lektura hinggil sa agham at teknolohiya, kadalasan itong may kaugnayan sa pang-araw-araw na pamumuhay ng mamamayan. Matiyaga at mapagkumbaba siyang nagpapaliwanag sa paraan na madaling maunawaan.
Henerasyon nina MonRam ang isa mga unang nakagamit ng internet. Sila rin ang isa sa unang nakalasap ng mga camera na may matataas na megapixel. At gaya ng inaasahan, titiyakin niyang pakikinabangan ng nakararami ang mga inobasyong ito. Lagi niyang pahayag, “When something new comes in, I always study it. And I would ask myself: ‘What’s in it for us? How would it be of help to us?’”
Mag-isang itinatag ni MonRam ang Arkibong Bayan (www.arkibongbayan.org), website na naglalaman ng mga larawan at pahayag tungkol sa mga pagkilos ng mamamayan. Dito maiipon ang daan-daang larawan at sulatin ng mga pangyayaring magiging bahagi ng kasaysayan ng pakikibaka ng mamamayan. Kabilang dito ang mga makasaysayang imahen ng EDSA 2 noong Enero 2001. Siya ay isa sa founding members ng Altermidya, isang pambansang network ng mga alternatibong media outlet. Siya ang kinatawan ng Arkibong Bayan. Dahil sa kanyang arkibo, nakilala rin si MonRam bilang Bong Arki, nag-iisang aktibistang consistent sa pagdodokumento ng pagkilos ng masa mula pa noong panahon ng batas militar.
Siya ay pumanaw noong Agosto 28, 2021 sa edad na 77 dahil sa COVID.
Ginawaran siya ng parangal ng UP Alumni Association (2011) para sa kanyang mga ambag sa lipunan. Hinirang din siya ng UP Alumni Engineers (2019) bilang National Achievement Awardee in Public Services. Dahil ayon nga kay MonRam, “Engineering is nation building.”
At sa mamamayan na kanyang pinaglingkuran, patuloy siyang kikilalaning Inhinyero, Arkibista, Siyentista ng bayan.
0 Comments