Aktibista, Manggagawang Pangkultura, Organisador
Pebrero 14, 1961 – Agosto 8, 2021
Bikolana mula sa Ligao, Albay si LINA CABAERO. Isinilang siya noong Pebrero 14, 1961 at pinakamatanda sa pitong magkakapatid. Nag-aral siya ng Veterinary Medicine sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman, ngunit sa pagtuntong ng 4th year ay lumipat siya sa AB Philippine Studies dahil sa kaniyang mga paniniwalang panlipunan. Ito rin ang panahon ng Martial Law. Naging miyembro siya ng League of Filipino Students, isang militanteng grupo ng mga estudyante. Mula sa pagiging campus-based student activist ay naging National Propaganda Officer siya sa national office ng LFS.
Isang cultural activist si Lina. Ang mga kinakanta’t tinutugtog niya ay progresibong mga awitin. Isa siya sa mga unang miyembro ng street theater group na Tropang Bod-a-bil at UP Peryante. Naging gitarista rin siya ng folk music group na “Inang Laya.”
Taong 1989 nang mahirang siya bilang Secretariat ng Asian Students Association (ASA) na isang alyansa ng mga militante at progresibong organisasyon ng mga estudyante sa Asia-Pacific, sa Hong Kong ang main office nito. Dahil dito, mula 1990 hanggang 1997 ay namalagi siya sa Hong Kong. Kasama sa trabaho ni Lina ang pagsusulat, paglalakbay, at pagsasalita sa mga pulong. Ang mga ito rin ang nagmulat sa kaniya para magkaroon ng mas malalim na pagtingin sa mga isyu ng katarungang panlipunan sa iba pang bahagi ng mundo.
Taong 1995 naman nang magtrabaho siya sa Asia Pacific Mission for Migrant Filipinos (APMMF), isang non-government organization na nanguna sa pagpapatibay ng grassroots movement ng overseas Filipino Workers sa Asia-Pacific.
Taong 1998 nang mag-migrate siya sa Australia. Una niyang naging trabaho roon ay ang pagiging campaigns coordinator ng AidWatch, isang NGO na nagmo-monitor ng Australian aid program sa rehiyon at kung paano nito naaapektuhan ang lokal na populasyon sa Australia at iba pang mga bayan.
Taong 2002 naman nang sumali siya sa Asian Women at Work, Inc. at maging coordinator ng grupo. Mayroon itong network na binubuo ng mahigit na 2000 migrant women sa Sydney. Kabilang sa kanilang trabaho ay ang magturo ng English classes at magtatag ng support groups, magpasimula ng social activities at seminars, magbigay ng impormasyon at referral service, pinangungunahan din nito ang action groups na tumatalakay sa mga kinahaharap na isyu. Bukod sa sariling mga miyembro, maaari ding ma-access ng kababaihan ang serbisyo at gawain ng Asian Women at Work, Inc.
Kabilang din si Lina Cabaero sa grupong Textile Clothing & Footwear Union, Australian Manufacturing Workers Union, United Workers Union at Union NSW. Naging tagapagsalita siya sa ilan sa mga Sydney May Day rally. Siya rin ang nag-organisa ng One Billion Rising dance events.
Nakapaglingkod din si Lina sa Philippine Australian Community Services Inc. (PACSI) sa Blacktown at Immigrant Women’s Speakout sa Parramatta.
Si Lina Cabaero, Aktibista, Manggagawang Pangkultura, at Organisador, ay pumanaw noong Agosto 8, 2021 sa edad na 60 dahil sa sakit na pancreatic cancer. Ngunit sabihin mang natuldukan ang pananatili nito sa mundo, hindi naman mabubura ang kaniyang alaala at ipinaglalaban.
Isang Sri Lankan ang napangasawa ni Lina, si Jega Ponnambalam. Biniyayaan sila ng dalawang anak, sina Miko at Natasha.
Ilan sa nakamit na pagkilala ni Lina Cabaero noong siya ay nabubuhay pa ay ang Summer Hill Woman of the Year noong 2018, Edna Ryan Awards noong 2016, at Woman of the West Award noong 2014.
Para sa kaniyang alaala, dedikasyon at pakikipaglaban ay nagkaroon ng memorial scholarship fund— ang “Lina Cabaero Women Scholarship.”
0 Comments