Propesor at Tagapayo ng Samahang Lazaro Francisco

23 Oktubre 1936 – 18 Oktubre 2021

Si Prof. Armando G. Aleja ay isang propesor at tagapayo ng Samahang Lazaro Francisco na mula sa Nueva Ecija. Ipinanganak siya noong ika-23 ng Oktubre taong 1936 sa Nueva Ecija. Nagtapos siya ng Bachelor of Science in Business Administration sa Ateneo de Manila University, kalaunan ay kumuha rin ng Bachelor of Laws sa Araullo University. Mayroon siyang dalawang anak na sina Arminda Aleja-Adecer at Arman F. Aleja, sa kaniyang asawa na si Gng. Lucila Francisco-Aleja.

Aktibo siyang nagbibigay-panayam sa mga paaralan at unibersidad sa lungsod ng Cabanatuan tuwing buwan ng Pebrero, lalo na kapag ginugunita ng buong siyudad ang kaarawan ni Lazaro Francisco. Siya rin, kasama ang ibang mga kaanak ni Lazaro Francisco na kasapi ng Freemason ang nagpasimula sa taunang pagdiriwang na ito kung kailan may mga patimpalak sa pagsulat ng sanaysay at sarsuwela sa buong Cabanatuan.

Malaki ang ambag ni Prof. Aleja sa paghubog ng mga manunulat at makata ng kanilang bayan. Nang itatag ng makatang si Rene Boy Abiva ang Samahang Lazaro Francisco (SLF) noong 2019, si Prof. Aleja ang lubos na sumuporta sa kauna-unahang samahan ng mga manunulat na Novo Ecijano na may layong buhayin ang diwa at panitik ni Lazaro Francisco. Naging matagumpay ang pagkakatatag ng Samahang Lazaro Francisco dahil dito. Nagsilbi siyang tagapayo ng samahan. At dahil sa kaniyang masidhing pagnanais na mapanatiling buhay ang pangalan ni Lazaro Francisco, sa pagtutulungan ng Samahang Lazaro Francisco, Masonic Lodge No.53- Cabanatuan City, Lazaro Francisco Cultural Heritage Association, at Museo Francisco, ay nakapaglunsad sila ng tatlong palihan sa malikhaing pagsulat at isang patimpalak sa pagsulat ng maikling kuwento at tula. Nakapaglathala rin ang Samahang Lazaro Francisco (SLF) ng tatlong isyu ng Saro, pampanitikang diyornal ng Samahang Lazaro Francisco, at apat na e-book. Lahat ng ito ay dahil sa tulong at panghihikayat ni Prof. Aleja.

Noong ika-18 ng Oktubre taong 2021, naging matamlay ang nasabing samahan nang pumanaw ang mahusay na propesor na si Prof. Aleja sa edad na 84. Natapos man ang paglalakbay ni Prof. Aleja rito sa lupa, mananatili sa mga nagmamahal sa kaniya ang mga payo, alaala, puso at panulat, gaya nga ng sabi niya, “Ang kabuluhan ng panulat ay kung ito’y nagbibigay pag-asa sa mga magbubukid at kasama.”

Categories: Obituaries

0 Comments

Leave a Reply

Avatar placeholder

Your email address will not be published. Required fields are marked *