Kolektor. Artist-photographer. Book and music lover.

Marso 18, 1956 – Oktubre 22, 2021

Panganay sa apat na magkakapatid si Norberto “Toto” Tarrosa, Jr. Anak siya nina Norberto Tarrosa, Sr. at Adelaida Saludares Tarrosa. Nagtapos ng Agriculture major in Agronomy sa University of Iloilo noong 1973, nag-aral din siya ng Fine Arts sa La Consolacion College (LCC).

Noon pa man ay mahilig na sa photography at arts si Toto. Mahigit na apatnapung taon na rin siyang kilalang nangongolekta ng arts at paintings ng mga batikang artist. Ilan sa mga kinokolekta niya ay ang obra nina Charlie Co, Ben Cab, Gabby Barredo, Nuneluncio Alvarado at JK Alano. Ang kaalaman niya sa photography ay nagmula sa kaniyang mentor at kaibigang si Yujie Yokoi.

Mahilig din sa libro at musika si Toto. Ayon sa kaniyang mga kaibigan ay hindi mapapantayan ang koleksiyon nito ng mga libro.

Sa angking galing at talento rin ni Toto sa photography ay nakatanggap siya ng ilang awards. Taong 1977 hanggang 1978 ay nagturo siya ng pictorial communication sa La Salle, Bacolod City. Siya rin ang isa sa orihinal na miyembro ng Camera Club of Negros (CCN).

Noong 1985 ay itinayo niya ang “Snap Shack”, isang photography studio sa Iloilo. Nagkaroon ito ng dalawang branch sa Bacolod, apat sa Metro Manila, isa sa Cebu at isa sa Pampanga.

Dahil nag-iisa sa buhay, naging bahagi siya ng ilang charity activity. Bukod sa kaniyang mga pamangkin ay tinutulungan din nito ang anak ng kaniyang mga empleyado sa pangangailangan ng mga ito pagdating sa pag-aaral.

Hindi lamang sa mundo ng photography at arts kilala si Toto kundi maging sa restaurant. Nang mamatay ang kanilang ama ay siya na ang nagpatakbo ng kanilang restaurant na itinayo ng kanilang ina—ang Aida’s na mula rin sa pangalan nitong Adelaida.

Si Norberto “Toto” Tarrosa, ipinanganak noong March 18, 1956 sa Bacolod City, Negros Occidental at sumakabilang buhay noong Oktubre 22, 2021. Hindi lamang pamilya ang nagluksa sa kaniyang pagkawala kundi maging ang iba’t ibang grupo, mga kaibigan at kakilala na hindi niya pinagkaitan ng tulong. Palakaibigan at may mabuting puso si Toto. Parating bukas ang palad sa mga taong lumalapit sa kaniya at humihingi ng tulong. Hindi rin siya nagdadalawang-isip na suportahan at payuhan ang mga baguhang artist upang lumakas ang loob ng mga ito. Isa pa sa ginagawa niyang tulong sa mga sumisibol pa lang na artist ay bilhin ang obra ng mga ito.

Kaya sa kabila ng kaniyang pamamaalam ay hindi naman siya mabubura sa puso at isip ng mga taong tinulungan niya’t patuloy na humahanga sa maningning niyang lente.

Categories: Obituaries

0 Comments

Leave a Reply

Avatar placeholder

Your email address will not be published. Required fields are marked *