Cellist at Mabuting Haligi ng Tahanan
Hulyo 22, 1935 – Marso 4, 2021
Nag-umpisa si Mario Gregorio Reyes bilang assistant principal ng cello section sa Philippine Philharmonic Orchestra. Marami din siyang sinalihang pagtatanghal ng iba pang orchestra. Tandang-tanda ng kanyang anak na si Father Anthony Reyes, nag-solo performance si Mario sa As Time Goes By na concert ni Tadao Hayashi dito sa Pilipinas, sa Swan Lake, at sa mga opera noong mga panahong itinatanghal pa ito sa Cultural Center of the Philippines Main Theater.
Maagang namulat si Father Anthony sa musika dahil sa kanyang amang si Mario. Lahat silang apat na magkakapatid, kailangang matuto ng piano – ito ang minimum requirement sa pamilya. Tuwing weekend, magsasama-sama ang magpipinsan at bahagi ng pagtitipong ito ang pagtugtog ng piano.
At dahil napapanood niya ang kanyang amang si Mario bilang musikero, nagkaroon siya ng inspirasyon para mag-aral ding tumugtog at maging bahagi ng orchestra, kahit sa maikling panahon lamang. “Hindi naman niya ako pinilit na sumunod sa yapak niya,” sabi ni Father Anthony. “Nagkaroon na rin ako ng sarili kong paglalakbay.”
Sa bahay, simpleng tao si Mario. Tahimik at bihirang magsalita – pero kapag nagsalita ay alam mong sigurado siya sa kanyang mga sinasabi. Mahilig din siyang manood ng TV at mag-do-it-yourself ng kung ano-ano sa tahanan. Mabait siya, mahinahon at hindi nauubusan ng pasensiya. “Siguro napu-purify ng musika ang kung ano mang negative energy sa paligid niya,” sabi ni Father Anthony.
Dahil likas na tahimik, hindi mahilig magbigay ng payo si Mario sa kanyang mga anak. Kung ano man ang gusto niyang ituro, ipinapakita niya gamit ang mabuting halimbawa – ang paggalang sa kalayaang magdesisyon ng bawat tao, at kahit ang simpleng pag-inom ng beer sa loob ng bahay at hindi sa kung saan.
Pumanaw si Mario Gregorio Reyes noong Marso 4, 2021 sa edad na 85.
Sa kabila ng pagiging “man of few words,” maraming naging kaibigan si Mario, dahil na rin siguro sa pagiging matulungin at palabiro nito. Hindi nakapagtataka na nakilala siya bilang “Mang Mario” – tawag sa kanya ng mga nag-uumpisang musikero, mga kasamahan, pati na ng musikerong malalaki na ang pangalan sa industriya.
0 Comments