Mang-aawit at Negosyante

Disyembre 28, 1958 – Marso 30, 2021

Si Clarita dela Fuente Crisostomo-de Guzman o mas kilala sa pangalang Claire Dela Fuente ay isang batikang mang-aawit at negosyante. Kinilala siya noong dekada 70 bilang isa sa “Jukebox Queens” ng Pilipinas dahil sa napakaganda at natatangi niyang husay sa pag-awit. Umani rin siya ng iba pang bansag at pagkilala tulad ng “Karen Carpenter of the Philippines,” “Queen of Tagalog Songs,” at “Asia’s sweetest voice.”

Siya ay tubong Santa Cruz, Maynila, at sa murang edad na 15 ay nagsimulang makilala sa larangan ng musika nang hirangin bilang grand prize winner sa sinalihang patimpalak sa pag-awit. Sa pamamagitan din nito, nadiskubre siya ng kompositor na si George Canseco at binigyan ng pagkakataon upang maging boses ng jingle para sa isang brand ng sigarilyo.

Kasunod nito, naging parte si Dela Fuente ng Dyna Recording kung saan isinapubliko niya ang kanyang awiting “Sayang” na talaga namang tinangkilik ng mga Pilipino at naging jukebox hit single. Noong 1977, matapos ang kanyang sunod-sunod na tagumpay, ibinahagi na rin ni Claire sa publiko ang kanyang kauna-unahang album na pinamagatan ding “Sayang.” Talaga namang nakuha ng singer ang kiliti ng mga tagapakinig, naging bestseller sa buong bansa ang nasabing album. Nagtamo rin ito ng Double Platinum Record award. Naging bahagi si Dela Fuente ng trio group kung saan nakasama niya ang pinakamagagaling na pangalan sa musika. Taong 1970s hanggang 1980s ay itinuring din na jukebox queens sina Imelda Papin at Eva Eugenio.

Nagtuloy-tuloy pa ang katanyagan ni Dela Fuente at hanggang ngayon, pinakikinggan pa rin ng bagong henerasyon ang kanyang mga awitin tulad ng “Minsan-minsan,” “Nakaw na Pag-ibig,” “Baliw,” “Di Magbabago,” “Mga Bulong ng Pag-ibig,” at “Kailangan Ko’y Ikaw.” Tinaguriang Pilipino classic na rin ang kanyang mga album na Nangingiti ang Puso, 1978, Mga Bulong ng Pag-ibig, 1979, at Claire Greatest Hits, 1980.

Kinalaunan, pinasok ni Dela Fuente ang pagnenegosyo habang lumilikha pa rin siya ng ilang recording at nagtatanghal ng konsiyerto paminsan-minsan. Noong 1993, sinimulan niya ang kanyang bus transport business. Naging presidente rin siya ng Integrated Metro Bus Operators Association. Nagbalik-eskuwela rin siya taong 2003 at kumuha ng kursong Transportation Management sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas. Sinundan niya ito ng master’s degree sa Business Administration na tinapos niya sa University of Western Australia noong 2005. Natapos din niya ang kanyang doctorate sa alternatibong medisina sa Unibersidad ng Urdaneta. Bilang businesswoman, nakapagtayo rin siya ng mga restaurant: Gracielo’s at Claire dela Fuente Seafood and Grill.

Lubos na ipinamalas ni Dela Fuente ang kanyang galing sa mga napiling larangan—sa musika man o pagnenegsyo. Umani siya ng mga pagkilala sa loob at labas ng bansa. Noong 2008, nagkaroon siya ng mga kolaborasyon at nakasama ang mahuhusay na mang-aawit mula sa iba’t ibang panig ng mundo, tulad ni Richard Carpenter na kapatid ni Karen Carpenter. Muling binigyang-buhay ni Dela Fuente ang awiting “Something in Your Eyes,” na mula rin sa musical arrangement ni Richard. Naka-duet niya ang American soul singer na si Michael Bolton sa kantang “The Christmas Song” na kasama sa kanyang album na “The Christmas.” Ito ay mula sa produksiyon ng Italian producer na si Christian de Walden sa ilalim ng Viva Records.

Tunay na malaki ang kontribusyon ni Claire sa larangan ng musikang Pilipino. Mababakas ito sa lungkot ng kanyang fans at kasamahang mang-aawit na nagbigay-parangal at mensahe ng pakikiramay matapos mabalitaan na pumanaw dahil sa cardiac arrest na komplikasyon ng COVID-19 si Claire Dela Fuente noong Marso 30, 2021 sa edad na 63.

“With her music, she has given you, all of us, pleasure,” pahayag ng isa sa jukebox queens na si Eva Eugenio.

Inalala rin ng isang kaibigan ang katapangan ng mang-aawit. “She is the bravest of the three of us, brave and she seems to be able to do it all,” sabi ni Imelda Papin. “Claire was a good friend and strong-willed woman who has full command of her life, family, and business.”

Ganap din ang pagiging ilaw ng tahanan ni Dela Fuente. “Amazing woman” ang pagkilala sa kanya ng anak na si Gigo De Guzman dahil ayon sa binata, ipinamalas ni Dela Fuente ang pagmamahal ng isang ina na buong pusong nagtataguyod sa pangangailangan ng kanyang mga anak at hindi iniiwan ang mga ito sa anumang problemang kinahaharap.

“Yes, we had our issues, yes, sometimes we don’t see eye to eye at times, but I know she loved me. It’s just nice or amazing to see that until the end, she was fighting for me. And she wanted to show me how much she loved me. I just didn’t get to tell her that I saw it. After all we’ve been through, she’s trying to be the best mom she could be.”

Categories: Obituaries

0 Comments

Leave a Reply

Avatar placeholder

Your email address will not be published. Required fields are marked *