Mang-aawit at Aktor sa Pelikula at Telebisyon

Pebrero 1, 1946 – Abril 23, 2021

Si Victor Nobleza Wood ay isang mang-aawit, aktor, at politiko. Umani siya ng mga pagkilala bilang “Jukebox King” at “Plaka King,” dahil sa kaniyang husay sa pag-awit. Mula sa Buhi, Camarines Sur, ang kaniyang amang si Kocky Wood ay isang Amerikanong sarhento at ang kaniyang ina naman, na si Rosario Nobleza o mas kilala bilang “Tiyang Saring,” ay tindera ng mga pabango at halamang gamot sa kanilang bayan.

Bago pa man maging tanyag na singer ay nagsimula ang karera ni Victor Wood sa pagiging aktor sa ilang pelikula mula sa produksiyon ng Sampaguita Pictures. Gumanap siya bilang Vic at nakatambal niya si Amapola Cabase na gumanap bilang Amy sa pelikulang Mr. Lonely, ipinalabas ito noong 1972. Nakasama niya rin si Vilma Santos sa “Little Darling” (1972), maging si Nora Aunor sa “As Long as There’s Music” (1974).

Mas nakilala si Victor noong dekada 70 dahil sa kaniyang magagandang cover o remake sa ilang sikat na rock song tulad ng “Jenny Jenny” at “Good Golly Miss Molly.” Lalo pang umusbong ang kaniyang pangalan matapos marinig ng masa ang kaniyang bersiyon sa mga ballad na “Mr. Lonely” ni Bobby Vinton at “Eternally” na orihinal na musika ni Charlie Chaplin at inawit ni Engelbert Humperdinck. Umabot din sa puntong mas kinikilala na ng ilan si Victor bilang orihinal na mang-aawit ng mga nabanggit na kanta.

Ilan pa sa kaniyang awitin na hanggang ngayon ay hindi nawawala sa radyo lalo na tuwing Linggo ay ang Carmelita, Malupit na Pag-ibig, Cheryl Moana Marie, Sweet Caroline, Release Me, I’m Sorry My Love, Ibig Kong Magtapat, I Went to Your Wedding, Knock on Wood, Sincerely, In Despair, A Tear Fell, Iniibig Ko’y Nakatali Na, One More Chance, Twilight Time, The Great Pretender at marami pang iba.

Noong Abril 23, 2021 ay pumanaw si Victor Wood sa edad na 75, at ayon sa ABS-CBN news report siya ay binawian ng buhay sa New Era General Hospital, Quezon City.

Hindi lamang maituturing na haligi ng musikang Pilipino si Victor, siya ay isa sa mga naging pundasyon ng musika ng Pilipinas o Original Pilipino Music (OPM). Maraming Filipino ang lumaki na napakikinggan ang kaniyang mga awitin. Ang mga lolo’t lola, kung kilala nila si Victor Wood, ay tiyak na aawit ng ilang sikat na awitin ng namayapang singer bilang paghanga at pag-alaala.

Dahil sa kaniyang malaking ambag sa larangan ng musika ay pinarangalan siya bilang OPM Icon sa ikatlong Philippine Movie Press Club (PMPC) Star Awards noong 2011. Ilan sa mga batikang mang-aawit na kasama niyang tumanggap ng parangal ay sina Sylvia La Torre, Joey “Pepe” Smith, Mike Hanopol, Freddie Aguilar, Celeste Legaspi, Ryan Cayabyab, Basil Valdez, Jose Mari Chan, Danny Javier, Jim Paredes, Boboy Garrovillo, Pilita Corrales, Nora Aunor, at ang Philippine Madrigal Singers.

Sinubukan din ni Victor na pumasok sa larangan ng politika at tumakbo bilang senador sa ilalim ng Kilusang Bagong Lipunan political party noong 2007, ngunit hindi siya pinalad. Tumakbo ulit siya noong 2013, ngunit pinatawan naman siya ng diskuwalipikasyon ng Commission on Election. Nagtangka rin siyang tumakbo bilang vice governor at congressman sa lalawigan ng Rizal, ngunit tila talagang mailap ang tadhana ng politika para sa kanya. Matapos ang di matagumpay na pakikipagsapalaran sa politika, pinili na lamang ni Victor ang mamuhay nang tahimik. Naging libangan niya ang pagpipinta.

Nagkaroon ng dalawang anak si Victor sa kanyang ikalawang asawa na si Ofelia Mercado Ponce na nakilala niya sa United States. Ito ay sina Simon at Sydney Victoria.

Bago pa man pumanaw ang mang-aawit ay mayroon nang binubuong pelikula patungkol sa kaniyang buhay na bibigyang-direksiyon ni Carlo Ortega Cuevas. Ito ay pinamagatang “Jukebox King: The Life Story of Victor Wood,” na magmumula sa produksiyon ng EBC Films at Eagle Broadcasting Corporation. Ang nakatakdang gumanap bilang Victor Wood ay si Martin Escudero.

“Pakikiramay sa pamilya ng isang haligi ng OPM, ang “Juke Box King,” Victor Wood. Mapalad ako dahil bago siya pinagpahinga ng Diyos ay narinig ko sa kanya mismo ang isang kuwentong ngayon ay isa nang kasaysayan. Mahaba at makabuluhang usapan tungkol sa buhay, kasikatan, pagbagsak, pagbangon, pagtingal at pagpanaw. Habang nagkukuwento siya tungkol sa kanyang pagkabata, pakiramdam ko ay kasabay ko siyang lumaki,” ito ang mga salitang mababasa sa Facebook post ng direktor na si Carlo.

Nagpasalamat naman ang kasalukuyang asawa ni Victor na si Nerissa sa fans at mga kapatid sa simbahan na nakatulong nila sa funeral arrangements ng yumaong singer. “I am grateful to everyone who loves Victor Wood, and to the management of INC (Iglesia ni Cristo). For us, even if he disappears, his songs will remain.”

Dagdag pa ni Marilou Nakajima, isang fan na napabilib din ng singer, “I’ve known you ever since I was young. Thank you for your beautiful songs and thank you for being an inspiration.”

Ayon sa liriko ni Geoffrey Parsons, though the skies should fall, remember I shall always be forever true and loving you, eternally. Walang makatutumbas sa pamanang sining ni Victor Wood at tulad ng titulo ng awiting “Eternally,” mananatili ang kaniyang musika sa puso’t isip ng mamamayang Pilipino magpakailanman.

Categories: Obituaries

0 Comments

Leave a Reply

Avatar placeholder

Your email address will not be published. Required fields are marked *