Makata, Manggagawang Kultural, Mamamahayag

Hunyo 7, 1971 – Hulyo 16, 2022

Si Richard Regadillo Gappi, ay isang makata, manggagawang kultural, at mamamahayag na tubong Angono, Rizal.

Si Gappi ay nagtapos ng kursong AB Political Science sa University of the Philippines Diliman, Lungsod Quezon kung saan nagsilbi rin siyang editor ng Philippine Collegian sa kolehiyo.

Bilang isang makata at artista ng bayan, parte si Gappi ng Angono 3/7 Poetry at ng Neo Angono Artists Collective. Dahil sa kanyang pagsusumikap, ang Angono 3/7 Poetry group ay regular na tagapagtanghal ng panitikan sa Pasinaya Multi Arts Festival ng Cultural Center of the Philippines.

Noong 2019, tumanggap si Gappi ng Ikatlong Gantimpala mula sa patimpalak na Talaang Ginto: Makata ng Taon ng Komisyon sa Wikang Filipino para sa kaniyang tulang “Gunita ng Tubig.”

Ang ilan sa mga tula ni Gappi ay inilimbag din sa 100 Pink Poems Para kay Leni ng San Anselmo Press. Siya rin ang nagsilbing editor ng librong Ugit/Guhit Angono, isang proyekto ng Pamahalaang Bayan ng Angono kaugnay sa gawaing pagdodokumento sa mga salaysay at lathalain tungkol sa sining, kultura, at kasaysayan ng nasabing bayan.

Bilang isang mamamahayag, pinamunuan niya bilang patnugot ang community journalism Facebook page na Angono Rizal News Online. Naging masugid din siyang kontributor ng independent media company na https://www.bulatlat.com/.

Si Richard Gappi ay nagsilbi ring Arts, Culture, and Tourism Officer ng Munisipalidad ng Angono at nagturo ng mga kurso sa journalism sa University of Rizal System Angono.

Pumanaw si Gappi noong Hulyo 16, 2022 dahil sa acute respiratory failure.

Sa isang pagpupugay, kinilala ng National Union of Journalists of the Philippines o NUJP si Gappi bilang isang muhon na tagapagsulong ng press freedom. Kinilala rin nito ang tula ni Gappi patungkol sa Cybercrime Prevention Act.

Oda sa Korte Suprema

Lapis sa papel, binali;

humiwa sa dila’t labi

FOI* ang hinihingi;

Cybercrime Law ang sinukli.

*FOI – Freedom of Information

Sa tulong ni Gappi, naipatayo ang NUJP Rizal chapter. Narito ang sinabi nila tungkol kay Gappi: The NUJP honors his memory as we vow to continue pushing for the decriminalization of libel, and defending independent media.

Bukod sa paglilingkod sa pag-aalay ng kaniyang buhay sa sining at journalism, kilala ring deboto si Gappi ng Itim na Nazareno.

Categories: Obituaries

0 Comments

Leave a Reply

Avatar placeholder

Your email address will not be published. Required fields are marked *