Haligi ng kilusan para sa reproductive health at sexual rights ng kababaihan; mang-aawit at kwentista

Marso 9, 1953 – Mayo 16, 2020

Para kay MERCEDES LACTAO-FABROS o “Mercy”, katulad ng isang malinamnam na pagkain, ang sining ay isa sa pinakamahahalagang bahagi ng buhay na siyang nagpapasaya at nagpapasigla sa ating mga kaluluwa. At kitang-kita sa labas, loob, at lalim ng buhay ni Mercy ang pagmamahal nito sa sining sa pagmamagitan ng pagiging kamanlilikha, kasangguni, tagapagluwal ng mga ideya, kwentista, tapagpalaganap ng kundimang awitin at tagapag-bigay ng hininga at suporta sa mga lumilikha ng sining.

Si Mercy ay nagtapos ng B.A. Philosophy at nag-aral din ng M.A. Anthropology sa University of the Philippines Diliman.

Ang unang pagsabak ni Mercy sa sining at progresibong pagkilos ay ng maging bahagi siya ng unang dula ng Gintong Silahis, ang grupong pang-kultural ng Samahang Demokratiko ng Kabataan (SDK) noong 1971, ang “BARIKADA” na halaw sa Diliman Commune. Ang artistic director noon ay si Behn Cervantes. Nakasama din sya sa panglawang produksyon ng grupo, “Ang Isang Gabi ng Makabayang Awitin at Tula,” na pinangunahan ng mga batikang artista na gaya nina Vic Silayan at Hilda Koronel.

Sa paglipas ng panahon, mas nakilala si Mercy sa kilusang kababaihan na nagsusulong ng reproductive health and sexual rights. Siya ay tinuturing na haligi ng kilusan dahil sa laki ng papel na kanyang ginampanan para palakasin at bigyang espasyo ang mga panawagang, “Kalusugan ko, Karapatan ko” at “Katawan ko, Pasya ko”. At sining ang isa sa naging instrumento nya para mas lalo itong mapalaganap.

Mula sa seven-country study on reproductive rights ng International Reproductive Rights Research Action Group (IRRRAG) na kung san pinangunahan ni Mercy ang Philippine team, napagpasyahan na ang resulta ng pag-aaral ay i-prepresenta sa pamamagitan ng pagsasadula sa buhay ng mga kababaihan. Kasamang bumuo ng dulang ito ay ang Philippine Educational Theatre Association (PETA) na may pamagat na, “Libby Manaoag Files: Ang Paghahanap sa Puertas Prinsesa,” noong 2000. Isa pa sa naging ambag ni Mercy ay ang kantang, “Buhayin ang mga Sana,” na tampok din sa nasabing dula.

Kaugnay ng kanyang mga pagkilos, maraming mga grupo ang nabuo dahil sa inspirasyon ni Mercy bilang isang matagumpay na breastfeeding advocate at isang Lamaze instructor.

“Katawan ko, pasya ko”. Ito ay di lang simpleng adbokasiya na labas kay Mercy, bagkus, ito ang kanyang loob at ubod/lalim. Maraming pasulong at pa-abante ang kanyang mga pagkilos, ngunit si Mercy ay marunong ding umatras. Di takot magbago ng perspektibo lalo na kung ito ang dapat. At isinabuhay nya ito hanggang sa huling sandali.

Categories: Obituaries

0 Comments

Leave a Reply

Avatar placeholder

Your email address will not be published. Required fields are marked *