Mandudula, direktor, aktor, makata, guro, at kinagiliwang kaibigan. Naging artist-facilitator ng CCP at kinilala ng institusyon para sa community cultural service.
1952 – 2020
MANUEL ISIDRO DEAPERA PAMBID (1952–2020) ay kilala rin bilang Manny Pambid at Sir Manny. Respetadong manunulat ng dula, aktor, direktor, makata, at guro.
Bukod dito, kinagiliwan si Sir Manny bilang isang guro at kaibigan. Masasabing bukod sa kaniyang anking galing, ang kaniyang pagiging palakaibigan ang isa sa kaniyang mga mahahalagang ambag sa pagpapaunlad ng teatro sa bansa.
Si Pambid ay kilala bilang isang premyadong manunulat ng dula at masugid na alagad ng teatro sa iba`t ibang mga kakayahan. Sa Philippine Educational Theater Association, siya ay naging chairman (1981–86); program associate director (1986–89); pedagogy director (1989–92); at sectoral-regional theater program director, 1992–93. Siya ay naging instrumental sa pagdadala ng theater workshop ng PETA sa iba’t-ibang komunidad at rehiyon sa Pilipinas, sa Asya, sa Hilagang Amerika, at sa Europa.
Naging bahagi rin si Pambid ng Baglan bilang artist-teacher at vice president; ng National Commission for Culture and the Arts bilang consultant; at ng Cultural Center of the Philippines (CCP) bilang artist-facilitator kung saan siya ay nakatanggap ng pagkilala para sa community cultural outreach service noong 2004.
Ang kanyang unang dula ay ang Bangkang Papel, 1974, na unang nagwagi sa patimpalak sa pagsulat ng UP Consultative Committee on Student Affairs at nanalo rin sa Carlos Palanca Memorial Awards noong 1978. Sinundan ito ng Buhay Batilyo: Hindi Kami Susuko, 1976, na nagwagi sa Palihang Aurelio V. Tolentino at sa Palanca Awards noong 1975. Taong 1980 nang itanghal sa Dulaang Rajah Sulayman sa Fort Santiago, Intramuros ang dula niyang Canuplin: Isang Improbisasyon sa Buhay at mga Palabas ng Isang Komedyanteng Pilipino. Ang kanyang mga nilikha ay inilabas bilang isang koleksiyon sa Canuplin and Other Works of a Cultural Worker noong 2015.
Kumuha siya ng AB Pilipino sa Unibersidad ng Pilipinas noong 1969–1975 at ng diploma course sa Istituto Francescano di Spiritualita, Pontificio Ateneo Antonianum sa Roma, Italya noong 1996–1998. Siya rin ay naging aktor sa teatro na nagsimula sa seminaryo (1970s), sa mga produksiyon ng mga mag-aaral ng UP (1970s), at sa PETA (1970s–1980s).
Si Pambid o Sir Manny ay lubos na pinakamamahal na mentor ng mga taga-teatro. Sa isang video tribute, naikuwento ni Jose Dennis Teodosio na inamin niya ang sariling limitasyon sa pagsusulat kay Sir Manny na binigyang tugon naman ng huli ng: “I just reciprocate. Nag-effort kang magsulat. That’s talent. So nag-effort akong mag-feedback. That’s respect.”
0 Comments