Production Manager at Alagad ng Teatrong Pilipino

Nobyembre 17, 1953 – Enero 22, 2021

“Sa aming lahat na nakilala at naging kaibigan ka, Ate Del, isang pagpupugay sa iyong natatanging talento, dedikasyon, at, higit sa lahat, ang puso para sa bagay na nagbuklod sa ating lahat: ang sining.”

Bigkas ito ng mga kaibigan at katrabaho ni Adelina “Ate Del” D. Cayetano sa isang video ng pamamaalam sa kanya. Bilang huling pabaon kay Ate Del, kinanta rin ng ilang alagad ng teatrong Pilipino—kasama sina “Kuya Bodjie” Pascua, Waya Gallardo, at Ana Feleo—ang “Tahanan” na hango sa musikal na Alikabok ni Ryan Cayabyab. Tungkol ito sa pagnanasang makamit muli ang isang payapang tahanan; isang tahanan na, sa kasamaang palad, naiwan ng ina.

Tulad ng tahanan sa musikal ni Maestro Cayabyab, naulila rin ang industriya ng sining sa pagpanaw ni Ate Del. Ginampanan niya ang papel na production manager sa maraming pagtatanghal at pagdiriwang sa Pilipinas at sa ibang bansa, gaya ng Vietnam, Japan, Russia, at China.

Bahagi ng Alikaberks si Ate Del, ito ay isang grupo ng mga aktor na nabuo mula sa 2001 remake ng Alikabok the Musical.

Si Ate Del ay nagsilbing production manager sa iba’t ibang proyekto. Isa na rito ang pagdiriwang ng Philippine Independence Day, kada taon sa loob ng pitong taon ay siya ang nangasiwa nito. Mula 1996 hanggang 2012, naging bahagi rin si Ate Del ng Gantimpala Theater Foundation. Noong 2003 naman, kasama si Ate Del sa grupo na nagtanghal ng Ibong Adarna sa iba’t ibang bahagi ng Luzon at Mindanao. Tumulong din siya sa pagpapatakbo ng Philippine booth sa World Expo noong 2005 sa Japan at noong 2010 sa China. Isa rin si Ate Del sa mga tauhan na nagtanghal ng Mga Ginintuang Alaala ni Conching Sunico at ng MET sa Cultural Center of the Philippines noong 2009. At noong 2014, si Ate Del ang punong abala sa pagpapatakbo ng NCR Palarong Pangrehiyon. Marami ring ginawang project management si Ate Del para sa Tourism Promotions Board at Department of Tourism mula 2010 hanggang 2020.

Naglingkod din siya para sa 31st ASEAN Summit (2017), 50th ASEAN Foreign Ministers Grand Gala Dinner (2017), at 23rd Session of United Nations WTO General Assembly (2019).

Sa lahat ng proyektong ito, kasama ni Ate Del ang kanyang kaibigan at resident director ng Gantimpala Theater Foundation na si Roobak Valle.

“Masipag, mabusisi, makulit, at maalalahaning kaibigan si Del,” sulat ni Direk Roobak. Maraming alaala ang tiyak na mananatili kay Direk Roobak tungkol sa kanyang kaibigan. Isa na rito ang hindi kanais-nais (ngunit nakakatawa rin) na karanasan ng isang tsuper sa Baguio. Tanda ni Direk Roobak: “Nasa Baguio kami para sa isang event. Sumakay si Del sa service van at pinagalitan ‘yong driver. Pero hindi ‘yon ang driver namin; at hindi rin ‘yon ang van namin. Nalaman lang niya, at bumaba lang siya ng van, noong nakita niyang pinagtatawanan namin siya.”

“Ang iyong alaala ay patuloy na magiging katumbas ng saya at propesyonalismo,” sabi ni Kuya Bodjie kay Ate Del sa programa ng parangal. Sa mga salitang ito, may isang katotohanang natuklasan: si Ate Del ay hindi lamang project manager. Siya rin ay mapagmahal na asawa kay Benjie, kaibigan ng marami, at eksperto sa events management. At dahil dito, ang alaala niya ay mabubuhay magpakailanman.

Categories: Obituaries

0 Comments

Leave a Reply

Avatar placeholder

Your email address will not be published. Required fields are marked *