Pambansang Alagad ng Sining para sa Teatro, Manunulat, ang Filipinong Esopo
Abril 4, 1930 – Disyembre 29, 2020
Lumaki si Amelia Lapeña Bonifacio sa Binondo, Maynila. Buháy ang mga bulwagan noon sa mga tanghal ng zarzuela, vaudeville, at pelikula. Malapit lamang sa kanilang tahanan noon ang mga lugar ng palabas, at natatandaan ni ALB na kahit musmos pa lang, tumatanghod siya sa pintuan ng lumang Opera House at nakikisabay sa alon ng mga manonood para makapasok at makapanood din.
Pagkaraan ng hapunan, nagtitipon ang magkakapatid sa pakikinig sa ibinibida ng kanilang ama. Ang tatay ni ALB ang nagpakilala rin sa kanya ng buháy na pulso ng sining panteatro sa mga pamayanan, tuwing sinasama sila sa pagtanghal ng senakulo o panonood ng mga dupluhan. Ang nanay naman ni ALB ang nagpakilala sa kanya ng mahika ng zarzuela. Nang pumutok ang digmaan, nagpatuloy ang impormal na edukasyon ni ALB bilang isang mandudula at alagad ng teatro. Nabasa niya ang buong koleksiyon ng mga dula ni Shakespeare, at nasa kalagitnaan man ng buhay bilang evacuee, natuwa siya sa pagkakatuklas ng putik sa kanilang air-raid shelter dahil natuto siyang humubog ng mga ulo mula sa luwad na iyon. Natuto rin siyang manahi. Lahat ng ito’y naging preparasyon niya para sa pagtupad ng kanyang artistikong potensiyal bilang designer.
Unti-unting yumayabong ang kakayanan ni ALB bilang isang designer nang tumuntong siya ng kolehiyo — nag-major siya sa English, at siya ang nagdisenyo ng mga produksiyon tulad ng Glass Altar ni Virginia Moreno, na nagbukas ng pinto upang makagawa siya ng mas malaki at mas komplikadong trabaho tulad ng set para sa International Dance Festival sa University Theater. Kalaunan, nakatanggap siya ng Fullbright Smith Mundt scholarship sa University of Wisconsin sa Madison noong 1956, kung saan niya natapos ang kanyang MA sa Theater Arts.
Doon, mas lumawak ang naabot niyang orbito dahil natuklasan niya ang talento niya bilang mandudula, at nanalo siya sa mga patimpalak, para sa Sepang Loca (1957) at Rooms (1958). Mula sa tanghalan ng university theater sa U.S., napadpad si ALB sa pagturol ng lokasyon ng kanyang pagka-artista bilang mandudula at cultural agent noong dekada 70. Isa na siyang iskolar na madedestino sa mga fellowship sa Asya, sa partikular sa Japan at sa Timog Silangang Asya. Panulukang bato ng akda at buhay ni Amelia Lapeña Bonifacio ang pagkakatatag ng Teatrong Mulat, isang pangkat ng mga puppeteer na nagtatanghal ng mga orihinal na dulang pambata sa wikang Filipino. Siya ang sumusulat ng mga materyal na itinatanghal ng Teatrong Mulat, at siya rin ang artistikong direktor nito.
Nang matanggap niya ang ASPAC fellowship sa Japan noong 1973, ginugol niya ang panahon sa masikhay na pag-aaral sa mga dula at anyong panteatro. Isa sa mga nakapukaw ng kanyang pansin ang bunraku, ang katutubong paraan ng puppetry sa bansang iyon na nagmula sa pangalan mismo ng isang master puppeteer sa Osaka. Nagsasalaysay ang bunraku, sinasabayan ng musika, at ginagampanan ng mga puppet. Nangungusap ang buong katawan ng nililok na mukha at patpat na mga kamay, at may pinagmumulang bokabularyo ang bawat galaw. Sa panonood ng mga pagtatanghal na iyon, may pumitik sa diwa ni ALB, sapat upang ipangako niya sa sarili na dadalhin niya ang anyo ng teatrong ito sa Pilipinas upang maaliw at matuto sa sining ang mga kabataang Pilipino. Nanggagaling sa kaban ng imahinasyon ng katutubong Pilipino ang materyal ng kanyang mga dula.
Binansagan si Ma’am Amel bilang Filipino Aesop dahil ang mga materyal na kanyang naipaparating sa produksiyon ay umaangkat ng kapangyarihan ng pabula. Limitado man ang kislot sa mukha ng puppet sa produksiyon, nagagawa ng mga Teatrong Mulat puppeteer na pamulaklakin ang limitasyong ito. “Nakikita” ang mga nagpapagalaw ng puppet, at binabasag nito ang alyenasyon dahil sa mula’t sapul, alam ng kabataang manonood na may tunay na taong nagpapagalaw sa mga kahoy at telang katawan na iyon, at tumutumbas rin ito sa discernment na ang napapanood ay sabay na artipisyal ngunit sumasalok din sa materyal na realidad. Kaya ring tumbasan ng lilok na mukha, o kung minsan, higitan pa, ang mukha ng aktor upang masapul ang malalim na emosyon gaya ng trahedya.
Ito ang tatak ng Papet Pasyon ni ALB, na kawangis ng senakulo dahil hinihiram ang naratibo ng pasyon ni Hesukristo. May sariling tatak din ng mga puppet na ginagamit ni ALB sa produksiyon ng Teatrong Mulat: winawangis rin ng mga ito ang kayumangging balat at mukha ng mga Pilipino. Kinikiliti rin ng mga produksiyon ng Teatrong Mulat ang masayahing aspekto ng mga Pilipino. Sa Abadeja: Ang Ating Sinderela, mahalaga ang salitang “atin” sa pag-angkin mismo ni ALB ng konsepto ng Cinderella mula sa global na fairytale. Sa bersiyon ni ALB ng Sinderela, ang fairy godmother ay hindi lang anyong tao. Maaaring mahiwagang isda, mahiwagang tandang, o mahiwagang puno na namumunga ng alahas. Tanging si Abadeja lamang ang makapipitas ng mga bunga, at maaari lamang niyang gamitin ang mga bungang iyon para tulungan ang mga nangangailangan, gaya ng mga dukha.
Hindi tumatalab ang mahika ng singsing mula sa mahiwagang puno kapag hindi karapat-dapat ang tumatanggap. Ang mali-maling pagtatapat ng sinisingsingan o binibiyayaan ay nakapagpapatawa sa mga manonood dahil nakikilala nila ang matagal nang nakabaon sa kamalayan ng mga Pilipino: ang singsing, gaya ng korona, ang hahanap mismo sa daliri, o sa ulo, at hindi naipipilit ang nararapat lamang, dahil kinakailangan ang pagiging maganda ng kalooban. Dahil sa pagtatanghal ng mga dulang tulad ng Abadeja: Ang Ating Sinderela, nahikayat na rin ang mga kakontemporaryo, o mas nakababatang mga mandudula, na subukang ilapat ang folklorikong imahinasyon sa panulat at pagtatanghal.
Sumigla ang larang ng dulang pambata sa natuklasang pulso ni ALB. Muling nakilala ng mga Pilipinong manonood ang mahika ng mga puppet, ng senakulo, ng dupluhan, at community theater. Umaalinsabay ang revival na ito ay sa diwa ng panahong iyon nang maging mithiin ng mga intelektuwal, artista, at cultural worker ang paglalatag ng Pilipinong identidad sa mga akda nila at iba’t ibang mga iterasyon ng sining.
Bukod sa bunraku, nakatulong rin sa pagyabong ng kamalayan ni Amelia Bonifacio ang pagbabad sa mga pagtatanghal ng mga tradisyonal na teatro ng Timog Silangang Asya, sa partikular, ang wayang golek at wayang kulit ng Indonesia. Noong 1976, natanggap niya ang Ford Foundation Fellowship, na nagbigay sa kanya ng pagkakataong maobserbahan at mapanood ang mga produksiyon ng tradisyonal na teatro ng Indonesia, Malaysia at Thailand, maging ang mga street opera ng Singapore. Bumabagay sa Pilipinas ang mga natutuhan niyang dalumat sa pagtatanghal at pagsulat ng material na galing sa tradisyon ng wayang dahil tulad ng mga Indones, ang mga palabas na pumupukaw sa katutubong imahinasyon ng mga Pilipino ay pumapaksa sa mga mythic event gaya ng mga alamat, na kadalasan ding tumutuntong sa wikang payak, ngunit lirikal ang lawak ng sinasaklaw.
Tulad din ng mga Indones, ang mga manonood o ang publiko’y kasama sa paglikha ng saysay sa palabas dahil sumasalok sa oral na tradisyon at karaniwang siklo ng komunidad ang diwa ng itinatanghal. Repleksiyon at dialogo sa katutubong sarili ang mga palabas. Namumukod ang konsepto ng pansamantala sa mga dulang pambata at dulaang dinisenyo para sa kabataan, ani Amelia Lapeña Bonifacio. Ang ephemeral na yugto ng pagkabata ay sumasabay sa ephemeral ding pagkamusmos ng kamalayan: malikhain pa iyon, bukas pa sa mga ideyang maaaring itinuturing na mababaw, kahangalan o kabaliwan ng mga may sinikal na lente. Dahil bukás, ang palabas ay humuhugot ng kapangyarihan sa haraya. Ani ALB, kailangan ang patuloy na pagkakilala ng kabataan hindi lang sa hinagpis o karupukan kundi mas lalo pa sa galak at pag-ibig, at sa pagpapatuloy ng buhay.
Nakapaghihilom din ang mga pagtatanghal, at dahil sensitibo ang Teatrong Mulat sa panawagan ng madla, dinadala rin nila ang mga produksiyon nila sa mga auditorium, klasrum, aklatan at plasa na labas sa Maynila. Matapos pumutok ang Mt. Pinatubo noong 1990, pumunta ang Teatrong Mulat sa mga tukóy na lugar na dinaanan ng lahar. Doon, nakatulong ang mga puppet upang matagpuan ng mga manonood na kabataan ang mga nawala/nakawalang sarili dahil sa trauma ng kalamidad. Sirasira man ang mga kalsada’t lubog ang mga main road ng tumigas na lahar, sinuong ng Teatrong Mulat ang terrain ng abo. Daan-daang kabataan ang dumating at nanood, at pagkaraan ng pagtatanghal, naginhawaan sa kapangyarihan ng palabas.
Napulsuhan rin ng akdang Ang Bundok ni ALB ang isyu ng ancestral rights sa lupaing tahanan ng mga katutubong komunidad, at ang paglaban mismo ng komunidad sa mga dayuhang sasakop nito. Isa itong modernong zarzuela na nanalo ng Ikatlong Gantimpala sa National Zarzuela Writing Competition noong 1971-1972. Sa Ang Bundok, habang naririnig ang angil ng mga buldoser na tumitibag ng bundok, nagbuklod ang mga katutubo sa pangunguna nina Umangal at Bugan, at sabay-sabay nilang isinisigaw, “Ito ang aming bayan!” Sinagap ng antenna ng dula ang nagaganap noon na pangingikil sa karapatan ng mga katutubo, na gugulong patungo sa tunay na makasaysayang pagtutol ni Macli-ing Dulag sa pagtatayo ng Chico Dam noong 1978. Propetiko ang zarzuelang ito, dahil tila nakini-kinita ang pagkakaisa ng mga lokal na komunidad na tutulan ang pagtatayo ng Chico Dam na wawasak sa kanilang pamayanan, at ikabubuwis ng kanilang buhay at alaala.
Mahusay namang napagsanib ni ALB ang estetika ng Noh drama na mula sa Japan at ang pamilyar na naratibo ng Noli Me Tangere ni Jose Rizal sa kanyang Ang Paglalakbay ni Sisa. Dito natin masasabi na ang adaptasyon na ginawa ni ALB ay muling paglikha. Naroon pa rin sa mundo ng akda ang tauhang si Padre Salvi, si Sisa, at ang mga anak niyang sina Basilio at Crispin. Ngunit hinihiram na ng imahinasyon ang konsepto ng “nawawalang kaluluwa” na malimit gamitin sa mga banghay ng Noh drama. Isinasakatawan ng Noh ang pagsasanib ng kapayakan-at-salimuot. Dalawang uri ng tauhan ang matutunghayan sa Noh: ang protagonista o shite at ang deuteragonist o waki. Ayon kay Keiko I. MacDonald, ang waki ay madalas na kinakatawan ng isang banal na alagad, at sinasamahan ang waki ng dalawang menor na tauhang pisikal niyang extensiyon. Sa Paglalakbay, may dalawang tauhan na kumakatawan sa karaniwang tao: ang mangangaso at ang mangingisda. Hindi pinatatahimik ng kanyang budhi si Salvi, at ang matinding pagkukutkot ng kamalayan ang kanyang pinaka-impiyerno.
Makakasalubong niya sa isang ilog ang mangangaso at mangingisda, at sila ang magkukuwento ng kinasapitan ng pamilya ni Sisa sa mga tampok na eksena. Nakapangingilabot ang epekto ng minimal na mukha ng tanghalan sa dulang ito, dahil ang dilim ang naghahari at panaka-nakang hinihilamusan ng ilaw ang entablado kapag tinutudyo, inuusig, at pinapatay-muli ng kaluluwa ni Sisa si Padre Salvi. Consistent ang disenyo ng konsepto ng Paglalakbay sa pagbabanggaan ng dalawang realidad sa Noh drama: maaaring panaginip at totoong buhay, o mundo ng mga patay at mundo ng mga buhay. Si Sisa ay hindi na anyong tao — isa siyang espiritung lumulutang na nakasaplot sa dilawang damit na husi, na nagtatakip ng kanyang lumang luksang damit na basahan.
Mahalaga ang pagsasabibig ng tauhang si Sisa ng mismong sinabi ni Elias sa dulo ng nobelang Noli Me Tangere, ang habilin tungkol sa hindi paglimot sa mga kaluluwang nalugmok sa dilim. Nalalampasan ng dula ang himok ng paghihiganti na karaniwang dinaranas ng mga naaapi. Sa dulang ito, hinimok ni Sisa na hindi lamang siya at ang kanyang mga anak ang ipagdasal ni Salvi kundi ipagdasal rin sana ni Salvi ang sariling kaluluwa. Nanalo ang Paglalakbay ni Sisa: Isang Noh Drama ng ikatlong gantimpala sa Cultural Center of the Philippines Literary contest noong 1976. Kung tutuusin, mapag-uugnay-ugnay ang talinghaga ng mga dula ni Amelia Lapeña Bonifacio ng balon. Ang balon ay maaaring sumasagisag sa mismong kaban ng folklore, katutubong haraya, ancestral na karapatan, o ang pagtugon sa hinahanap na hustisya ng mga naaapi. Matatandaang ang kanyang akdang Sepang Loca noong 1957 ay nagpapaalaala ng isang pamilyar nang kuwento sa mga bayan-bayanan ng Pilipinas. Ito ang kuwento ng arketipal na inang binawian ng anak, at gumagalagala sa mga sulok ng lupain at baybay-dagat, nananawagan sa nawawalang anak.
Tulad ng banghay ng mga klasikal na trahedya na kinikilala sa buong mundo, magigimbal ang lahat sa pagkakatuklas na ang salarin ng pagkabaliw ng arketipal na inang tauhan ay walang iba kundi ang may-hawak sa poder ng kapangyarihan, o maaaring ang tinitingalang di makabasag-pinggan na lalaking marangal. Lagi, sa mga naratibo na tulad nito, ang nakatutuklas ay hindi gawaing pinangungunahan at nilahukan ng iisang tao. Sa Sepang Loca, mahalaga ang pagsasalit ng mga kalalakihan sa pagsuong sa kaila-ilaliman ng balon at mahalaga ring nasasaksihan ng balana ang paghugot ng naagnas na katawan ng sanggol. Lagi, sa mga dramang tulad nito, ang visualidad ng trahedya ay kinakailangang maging pambalana dahil ang pagtubo ng kamalayan at pag-unawa sa suliranin ay kinakailangang lahukan ng marami.
Si Ma’am Amel ay tunay na nakauunawa na kinakailangang ibahagi ang teatro at bisa ng dula sa iba’t ibang pook at espasyo. Dalawampu ang kabuuang bilang ng mga librong naisulat niya, may tatlumpu’t anim siyang dula, may isang daan at walong maikling kuwento, apatnapu’t walong mga sanaysay, dalawampu’t limang mga tula at isang nobela, ang Binondo At a Time of War, na nailunsad noong 2015, at natapos niya noong siya’y 86 taong gulang na. Nakasali na ang Teatrong Mulat sa tinatayang 23 international festivals ng sining panteatro, nakatanghal na ng isang libo’t walong daan na mga pagpapalabas. Ang tagumpay ni Ma’am Amel bilang artistikong direktor at mandudula ng Teatrong Mulat ay kinikilala na rin sa iba’t ibang bahagi ng mundo at sa Pilipinas. Apatnapu’t anim na gawad ang nakamtan na ni ALB sa kanyang buhay, kabilang ang National Comission for Culture and the Arts (NCCA) Haraya Award, NCCA Gintong Bai Lifetime Achievement award, Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas, Parangal Sentenyal ng Sining at Kultura, at National Research Council of the Philippines (NCRP) Achievement in the Humanities. Siya ay kinilala rin ng mga lupon ng parangal sa ibang bansa, at kabilang sa mga pagkilala sa kaniya ang ASEAN Award noong 1990, Woman of Distinction Award in Theatre Arts ng Young Women’s Christian Association (YWCA), at Swedish International Development Authority (SIDA) Grant para sa Children’s Literature noong 1991. Sa ngayon, higit pa sa mga parangal at gawad, ang ambag ng eksplorasyong ito ni Amelia Bonifacio sa mga teatrong Asyano at kamalayan at kulturang Pilipino ang tunay niyang pamana sa balana, na hindi lamang mga kapwa niya Pilipino kundi mga mamamayan din ng daigdig. Nakatulong ang kanyang mga likha sa muling pagkakilala ng mga bagong pakahulugan ng kabataan, teatro at panitikan.
Sinangkapan niya ang mga dulang pambata ng mga tauhang may angking lakas at talino. Hindi mga uto-uto at masunuring musmos ang mga bida. Sa bawat dulang pambata ni Amelia Lapeña Bonifacio, ipinapasa niya ang aral ng mga kalabisan at kakulangan sa pag-uugali: ang labis na pagpaparaya ay nagiging kahinaan, ang labis na katalinuhan ay hindi karunungan, ang labis na pananalig ay katigasan ng ulo. Dahil hangarin ng mga dulang ipakita na ang balanse sa pag-iisip at pagkilos ay susi upang maging malaya sa pagtatanong at pag-uusisa, na nakatutulong sa pagpapasya at pagkamit ng ginhawa. Lahat ng ito’y mga marka ng kinakailangan noon (at kahit ngayon) na matutunan ng mga kabataan.
Sinusuob niya ang kinasasangkutan niyang teatro sa dahon ng matalas na pagbasa sa mga puwersa ng kasaysayan na maaaring mula sa malayong nakalipas o sa kasalukuyan. Kung minsan, ang kanyang mga ideya ay nagiging mga orakulo. Sa teatrong iyon, ang tunay na bida ay ang mga mamamayan, at komunidad.
Lumalampas din ang nagawa ni ALB sa larang ng teatro at dumarako sa panitikan. Ito’y may lenteng historikal, tulad ng kanyang pag-uurirat sa milieu at major players na mandudula sa The Seditious Playwrights. Ito’y may espiritung transnational pero pinayayaman nang higit pa ang katutubo, sa pagaangkat niya ng mga kumbensiyon at estetikong mula sa Timog-Silangang Asya at Japan. Binasag niya ang kamalayang ang kolonyal na kamalayang nakapag-aral sa mga institusyon at fellowship na mula sa ibang bayan ay wala nang malasakit sa ikauunlad ng pinagtubuan, at minamahal na bayan.
Ginamit ni Amelia Lapeña Bonifacio ang wikang Ingles sa mga una niyang akda noong dekada 50 at 60, ngunit nang maglaon, ginamit niya ang wikang Filipino. Ito’y matalinong pagkilala na ang pagpulso ng katutubong kamalayan ay nangangailangan din ng katutubong dila. Kinilala at minina ng mga artistang kagaya ni Amelia Bonifacio ang mga bulawang konsepto na katas sa karanasan at kamalayan ng komunidad.
Nakapaglinang ng panibagong direksiyon ang mga dula ni Amelia Lapeña Bonifacio dahil pinagtitibay nito ang impresyong ang mandudula ay hindi kailanman tiwalag sa kanyang mga manonood at komunidad. Kung matagumpay na nakapagsalok sa balon ng kamalayan ng Asyanong teatro si ALB, ipinakikita niya na ang tubig, kagaya ng kamalayang Pilipino, ay nakapapatid-uhaw.
Noon at hanggang ngayon, lagi tayong natutuwa sa pag-inom ng mga likhang sining mula sa mga balong taglay ang matalinong mata ng tubig.
Unang nalathala sa National Artist Folio 2019, handog ng National Commission for Culture and the Arts at Cultural Center of the Philippines.
0 Comments