Artist sa Local at International Komiks

Hulyo 16, 1968 – Enero 5, 2022

Si Ariel Rey D. Padilla, o mas kilala bilang Ariel Padilla ay isa sa mga batang mahusay na komiks artist sa Pilipinas at maging sa ibang bansa.

Siya ay ipinanganak noong Hulyo 16, 1968 sa lungsod ng Maynila, ngunit lumaki sa Cagayan, 1985 nang muli silang magbalik at manirahan na sa Quiapo. Sa murang edad ay namulat na siya sa pagbabasa ng komiks. Mahilig na siyang mag-drawing noon, ngunit wala pa sa isip na pasukin ang mundo ng komiks. Kumuha siya ng kursong BS Business Administration Major in Banking and Finance sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila.

Wala siyang naging pormal na pag-aaral sa pagdidibuho, ngunit nagsimula ang pagiging seryoso niya sa pagdo-drawing ng komiks nang maging estudyante siya ng isang mahusay na beterano na si Nestor Malgapo noong mga huling taon ng dekada ’80. Isa si Malgapo sa maraming naturuan nang mga panahong iyon dahil sa kanyang Dynacoil books na puwedeng order-in kahit saan mang sulok ng bansa ang may gustong makakuha nito. At isa nga si Padilla sa naging produkto ng correspondent mentorship ni Malgapo. Binuksan nito ang pagkakaunawa niya sa human anatomy at visual storytelling.

Hindi naging madali ang mga unang pagtatangka niyang makapasok sa komiks. Maraming rejections siyang natanggap. Ngunit hindi siya nasiraan ng loob dahil kasama naman iyon sa nararanasan ng mga baguhan sa industriya. 1990 nang mabigyan siya ng break na makapagdibuho sa Graphic Arts Services, Inc. (GASI) ng short stories hanggang sa ito ang maging tulay upang mapansin siya at ibigay ang kanyang unang nobela sa Kilabot Komiks na may pamagat na ‘Pusang Itim’ na isinulat ng editor/writer na si Mike Tan. Ito ang maituturing ni Padilla na pagsisimula ng kanyang mahabang karera sa komiks.

Nakalikha siya ng mga akda sa apat na publikasyon—GASI, Sonic Triangle, Infinty at Affiliated Publications—kabilang ang napakaraming short stories at mga nobela tulad ng ‘Katas ng Magdamag’ na isinulat ni Almel de Guzman, ‘Little Alpha Omega Girl’ ni Flor Afable Olazo, ‘Magtago Ka Man sa Impyerno’ ni Hermie Catig, ‘Ispikikay’ ni Espie Buen Gayanilo, ‘Haribon’ ni Jeffrey Marcelino Ong, ‘Pinoy Rangers’ at ang pagsasakomiks ng pelikulang ‘Batang X’ na kapwa isinulat ni Armand Campos, at iba pa.

Taong 2015 nang umuwi sa Cagayan si Padilla dahil sa karamdaman at mula noon ay hindi na siya nakapag-drawing sa komiks. Siya ay pumanaw noong Enero 5, 2022.

Maituturing si Padilla na isa sa mahuhusay na batang dibuhista ng dekada 90 dahil kabi-kabila ang proyektong dumarating sa kanya. Ngunit dahil ang dekadang ito ang pagsisimula din ng paghina ng komiks sa pamilihan, isa rin siya sa naapektuhan nang tuluyang magsara ang malalaking publikasyon. Sinubukan niyang magtrabaho sa animation studio bilang in-betweener at layout artist, ngunit hindi siya nagtagal dito. Pumasok siya sa 123 Studio, isang international children’s book publications, ngunit hindi rin siya nagtagal dito. Hanggang sa kunin siya ng isang international agency na Glass House Graphics upang makapag-drawing sa international comics. At dito na nagsimula ang mahaba-haba rin niyang karera sa paggawa ng komiks sa ibang bansa. Kabilang sa kanyang mga idinibuho ang ‘Green Hornet’, ‘Voltron’, ‘Contract’, at ang award-winning comics series na ‘Tomo’.

Categories: Obituaries

0 Comments

Leave a Reply

Avatar placeholder

Your email address will not be published. Required fields are marked *