Reyna ng Pinilakang Tabing, Makataong Negosyante, at Mapagmahal na ‘Lulay’
Mayo 12, 1923 – Nobyembre 10, 2020
Si Mila Del Sol ay reyna ng Ginintuang Panahon ng Pelikulang Filipino dahil sa kaniyang napakahusay na pagganap at masidhing dedikasyon sa sining pampelikula.
Isinilang sa Tondo, Maynila noong Mayo 12, 1923, si Clarita Villarba Rivera ay binansagang Mila Del Sol ng kaniyang direktor na si Carlos Tolosa. Ayon dito ay tila milagro raw na sumisikat ang araw sa tuwing kukunan ang mga eksenang pagtatampukan ni Mila.
Taong 1938, ayon sa pamilya ni Mila, siya ay nadiskubre ng pangulo ng LVN Picture na si Doña Sisang de Leon. Napadaan lamang noon si Mila sa isang set ng pelikula ng LVN upang magtungo sa pamilihan at bumili ng tsinelas para sa kaniyang ina.
Mula sa payak na pamumuhay, si Mila ay naging tanyag na artista ng LVN. Una siyang itinampok sa pelikulang Giliw Ko noong 1939 at nakatambal niya rito si Fernando Poe Sr.
Ayon sa panganay na apo ni Mila del Sol na si Gus Tambunting, bukod sa husay sa pagganap, tuluyang sumikat si Mila dahil sa isang retrato. Nalathala ang nasabing retrato sa pinakamalalaking pahayagan noong 1939. Sa larawan ay kinakamayan ni Mila ang pangulong Manuel L. Quezon habang sa kabilang kamay ay bitbit ang sariling sapatos na mataas ang mga takong. Kuwento ni Tambunting, “Quezon enjoyed her first film, Giliw Ko, and asked to congratulate my Lulay personally during the premiere of the movie. As a Tondo girl, she was not used to wearing high heels, so she took them off, then rushed to the president.”
Naging aktibo na si Mila sa pagganap sa mga pelikula bago pumutok ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ang iba pa niyang pelikula nang panahon na iyon ay ang Prinsesa ng Kumintang (1940), Sawing Gantimpala (1940), Hiyas ng Dagat (1941), Villa Hermosa (1941), Ibong Adarna (1941), ang unang pelikulang Filipino na may color sequence, at Caviteño (1942).
Siya ay laging napipili upang ipares sa pinakasikat at magagaling na artista ng kaniyang panahon gaya nina Fred Cortes, Manuel Conde, ang magkapatid na Rogelio at Jaime dela Rosa, Leopoldo Salcedo, at Jose Padilla, Jr.
Nagpatuloy ang paglilingkod ni Mila sa industriya ng pelikula bilang aktres nang matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ilan sa mga pinagbidahan niyang pelikula ay ang Orasang Ginto (1946), ang unang pelikulang Filipino na ipinalabas pagkatapos na pagkatapos ng digmaan, at siyang tumalakay sa pagdurusa ng mga Pilipino tungkol sa nagdaan na trahedya, Ang Prinsesang Hindi Tumatawa (1946), Maling Akala (1947), Sarungbanggi (1947), Malaya (1948), Kuba Sa Quiapo (1949), Lupang Pangako (1949), Dayang-Dayang (1950), Anak ng Pulubi (1951), Romansa Sa Nayon (1952), at ang mga dramang Pakipot (1960) at Tatlong Magdalena (1960).
Noong 1974 ay lumabas siya sa Batya’t Palo-Palo, kung saan nakasama niya sina Fernando Poe, Jr. at Vilma Santos. Ang huli niyang pelikula ay ang Kahit Wala Ka Na (1989), kung saan ginampanan niya ang pagiging ina kay Sharon Cuneta.
Sa kabuuan, naging bahagi si Mila bilang aktres ng higit sa 40 pelikulang Filipino. Nakasama niya rito ang pinakamahuhusay na direktor, gaya nina Lamberto Avellana, Manuel Conde, Gerardo de Leon, at Eddie Romero, na naging Pambansang Alagad ng Sining para sa Pelikula sa paglipas ng panahon.
Ayon sa senador na si Ramon ‘Bong’ Revilla, Jr., sa kagustuhang masuklian ang masa sa suportang ibinigay nito sa kaniyang matagumpay na karera sa pelikula, itinatag ni Mila ang Pag-asa ng Kabataan Foundation. Nagbigay ito ng scholarship sa mahihirap, ngunit matatalinong estudyante, maging ng murang pabahay para sa matatanda.
Dahil naman sa pagmamahal sa pamilya at sa pagnanasa na makapagbigay ng hanapbuhay sa karaniwang Filipino, itinatag ni Mila noong 1964 ang Superior Maintenance Services, isang janitorial services company. Naging matatag ang kumpanya dahil sa kaniyang mahusay na pamamalakad, at ngayon ay pinamamahalaan na ito ng kaniyang mga apo. Higit sa 100,000 na ang kanilang empleyado sa kasalukuyan.
Noong 1993, si Mila ay ginawaran ng Lifetime Achievement Award ng Metro Manila Film Festival. At noong 2013, ginawaran din siya ng Gawad Urian Lifetime Achievement Award ng Manunuri ng Pelikulang Pilipino dahil siya ay nagsilbing mahalagang bahagi ng kasaysayan ng pelikulang Filipino. Kinilala siya bilang tanging artistang nabubuhay na naging lubos na aktibo mula sa Ginintuang Panahon ng pelikulang Filipino noong dekada 1930 at 1940. Noong 2014, ipinasa ng Kongreso ang Resolution No. 165 na nagpaparangal kay Mila para sa kaniyang ambag sa movie industry na nagdulot ng pagyabong ng kulturang Filipino at lipunan, sa pangkalahatan.
Matapos pumanaw ni Mila del Sol sa edad na 97 noong Nobyembre 10, 2021, ipinakilala ni Senator Bong Revilla, Jr. ang Senate Resolution 569. Ito ay nagpupugay kay Mila Del Sol bilang alagad ng sining na piniling manatili sa pinilakang tabing bago at matapos ang digmaan upang patuloy na makapagbigay ng aliw, pag-asa, at inspirasyon sa mga Filipino at sa susunod nitong salinlahi.
Sa pagpapaalam naman ni Gus Tambunting sa kaniyang lola, sinabi niyang, “All of us will forever be indebted to Lulay. Our family will surely miss Lulay’s love and affection. Throughout her life, she continued to impart wisdom and spread her zest for life to those closest to her, because she was truly an image of beauty both inside and out, both on and off screen.”
0 Comments