Dibuhista ng Komiks at Mabuting Padre de Pamilya
Hulyo 8, 1955 – Hulyo 8, 2021
Mahaba ang naging paglalakbay ni Rodante ‘Dante’ Barreno sa mundo ng komiks. Kalakasan ng industriyang ito noong dekada 60 at 70 nang binalak niyang makapasok bilang dibuhista. Hindi naging madali para sa kanya dahil kailangan niyang maglaan ng mahabang panahon sa pagsasanay upang makuha ang ‘standard’ at kalidad ng komiks illustrations nang mga panahong iyon.
Taong 1975 nang opisyal na pumasok sa komiks si Barreno, ngunit dahil nga baguhan ay hindi pa siya gaanong nabibigyan ng trabaho. Kaya naman nag-apprentice muna siya sa isa ring senior illustrator na si Joe Mari Moncal habang nakatira sa bahay nito dahil sa Quezon province pa naninirahan noon si Barreno. Nauutusan din siya na maging tagahatid ng drawing at tagasingil sa mga publikasyon. Magandang exposure sa kanya na laging nakakapasyal sa publikasyon at nakakausap ang ibang mga nagtatrabaho sa komiks, lalo na ang mga dibuhista.
Taong 1980 nang lumipat si Barreno sa bahay ng isa ring mahusay na dibuhista na si Nestor Malgapo, kung saan naturuan siya nang husto sa paggawa ng komiks. Naging malaking impluwensiya ang mga trabaho nito sa kanyang estilo at masasabing isa siya sa naging pinakamahuhusay na estudyante ni Malgapo.
Nang umalis na si Barreno bilang apprentice noong 1984 dahil dumadami na ang sariling proyektong kanyang ginagawa, kasabay rin iyon ng kanyang pag-aasawa. Siya ay ikinasal kay Charito dela Santa at nagkaroon sila ng walong anak—sina Charo, Ma. Cheriza, Cheryl, Rodante Jr., Ryan, Charina, Charlene at Reydan.
Iyon na rin ang simula ng pagdagsa ng maraming assignment mula sa iba’t ibang publikasyon ng komiks, sabay-sabay niyang ginawa bawat linggo ang mga short story, serye at nobela na kanyang hinawakan.
Ilan sa kanyang mga naging nobela ay ang ‘Sa Ngalan ng Anak’ na pinagtambalan nila ng komiks writer at editor ng Atlas na si KC Cordero, ‘Lumaban Ka, Nasa Likod Mo Ako!’ (Action Komiks) kasama si Alquin Pulido, ‘Susungkitin Ko Ang Mga Bituin’ (Extra Komiks), at ‘Turuan Mo Akong Huwag Masaktan’ (Best Wakasan Komiks) kasama si Sandy Es Mariano, ‘Monster Boys’ kasama si Clerbie Andrade Jr., at marami pang iba.
Hindi na rin mabilang ang dami ng short stories na kanyang ginawa. Naging isa siya sa paboritong cover artists ng Atlas Publications noong dekada 80 at 90. Sa Filipino Komiks na inilabas ng Risingstar Printing Enterprise noong 2006 ay nalathala ang Bonsai: Sa pagyabong ng Isang Pag-Ibig nina Jose Luis Casanova at Dante Barreno.
Miyembro siya ng mga organisasyong HAND at United Artist of the Philippines, samahan ng mga dibuhista sa Pilipinas.
Bukod sa malaking impluwensya ni Malgapo sa estilo ng kanyang pagdo-drawing, kakikitaan din si Barreno ng ‘Filipino style’ ng komiks illustrations. Pinupuri ng mga tagaibang bansa ang husay ng mga Pilipino sa paggamit ng brush at ink, at sinasabing ‘unique’ ito sa atin.
Pumanaw siya sa edad na 66 sa Amontay, Pitogo, Quezon kasama ang kanyang pamilya.
Isa si Barreno sa tagapagtaguyod ng klasikong estilo ng pagdidibuho sa komiks. Sa katunayan, maraming mga kolektor sa ibang bansa ang nag-iingat ng kanyang mga original art na lumabas sa mga pahina ng komiks noong kalakasan pa ng industriya. Isang kilalang French collector ng mga Filipino komiks art na nagngangalang Tristan Lapoussierre ang nagsabing ‘(I) love (his) that style, both suggestive and detailed. That kind of balance is hard to achieve.’
0 Comments