Katangi-tanging principal at leader, arts and culture advocate

Hunyo 19, 1941 – Agosto 3, 2021

Isa sa haligi ng sining at kultura sa probinsiya ng Iloilo si Dr. Riza Sargado Amaguin. Labindalawang taon siyang naglingkod bilang principal ng Iloilo National High School (INHS). Kilala siya bilang katangi-tangi at pinakamatagal na umupong principal ng nasabing eskuwelahan. Dahil sa adbokasiya at dedikasyon ay naitayo niya noong 1997 ang INHS School for the Arts, ang kauna-unahang eskuwelahan para sa sining na labas sa Luzon at Mindanao.

Nagtapos siya ng AB English sa Central Philippine University noong 1961 at Post-Graduate sa University of the Philippines, Visayas, Master of Education in Reading (MEd) noong 1986. at West Visayas State University, Ed. D. EDUC. MGT. (1997).

Hindi maitatanggi ang kakayahang ipinamalas ni Dr. Riza. Isa sa patunay ay ang ipinagkaloob na mga role sa kaniya, gaya na lang ng Cultural Representative of the Philippines sa New Delhi, India. Naging Country Paper Presentor din siya sa Asia-Pacific Educators’ Congress, Philippines noong Pebrero 1977. Naging scholar siya ng University of the Philippines – Bureau of Public School (1972), Southeast Asian Scholar in Textbook Writing, Singapore (1978) at University of the Philipppines – Department of Education, Culture and Sports (DECS) noong 1986.

Hulyo 16, 1990, sa pagsisikap ni Dr. Riza, ay nabuo at naitaguyod ang Dagyaw Theater and Dance Company. Dinala niya rin ang nasabing grupo sa ginanap na World Exposition noong 1992 sa Seville, Spain sa tulong ng Cultural Center of the Philippines (CCP) upang magtanghal ng pamosong dance-drama ng Panay, ang “Hinilawod.” Bilang executive producer ay nagawa niyang patanyagin ang kanyang grupo sa iba’t ibang bansa.

Mula naman Abril hanggang Hunyo 1999 ay ang ginampanan niya ang pagiging Centennial Cultural Representative of the Philippines to the United States (Seven States) at Canada. Gayundin ang papel na Country Paper Presentor ng Performing Arts in Secondary Schools, Philippines sa Bangkok, Thailand noong 1999.

Taong 1992 ay umupo siyang pangulo ng Reading Association of the Philippines, Iloilo Chapter. Noong 1999 naman ay naging Vice-President siya ng Philippine Association of Public School Administrators (PAPSSA) at mula 1999 hanggang 2000 ay naging Secretary ng Philippine Association of Secondary Schools Administrators (PASSA). Mula 1995 hanggang 2021 ay naglingkod siya bilang presidente ng Iloilo Public Secondary Schools Administrators Association, (IPSAA) at Western Visayas Association of Secondary Schools Administrators (WEVASA).

Si Dr. Riza Sargado Amaguin, isang natatangi at aktibong leader, matapang ngunit may mabuting puso, ay ipinanganak noong Hunyo 19, 1941 sa La Paz, Iloilo City. Yumao siya noong Agosto 3, 2021 sa edad na 80.

Sa kasagsagan ng kaniyang paglilingkod bilang principal ng INHS, naging perennial champion at hall of famer ang Tribu Bola-Bola sa Dinagyang Festival. Kinilala rin siya ng Cultural Center of the Philippines dahil sa kaniyang suporta sa CCP Outreach programs simula pa noong dekada 80.

Categories: Obituaries

0 Comments

Leave a Reply

Avatar placeholder

Your email address will not be published. Required fields are marked *