Communication Technician ng CCP, Mabuting Ama at Asawa

Marso 31, 1984 – Marso 21, 2022

Si Elpidio S. Lago III ay pinanganak noong Marso 31, 1984 sa Maynila. Ang kanyang palayaw ay Elgel. Nag-aral siya ng BS Criminology. Dati siyang empleyado ng Tork Philippines, Inc. na siyang engineering at maintenance contractor ng Cultural Center of the Philippines.

Si Elgel ay nag-umpisa bilang electrician, at kalaunan ay naging communication technician sa CCP. Iyon ang kanyang pangunahing trabaho, pero madalas ay tumutulong siya sa pag-repair ng iba’t ibang parte ng CCP Main Building. May mga pagkakataon na nakakasama din siya sa pagbuo ng mga set ng theater productions ng CCP. Dahil sa kanyang background sa elevator maintenance, siya din ay madalas i-assign upang magbantay ng operasyon ng mga elevator sa CCP tuwing may palabas.

Matingkad sa alaala ni Elgel ang araw na huminto ang binabantayan niyang elevator at ang kasakay niya sa loob ay ang dating U.S. Ambassador to the Philippines, si Ambassador Sung Kim. Alam niyang hindi siya dapat mag-panic dahil magdudulot ito ng kaba sa mga kasama. Kaya mabilis at kalmadong nag-troubleshoot si Elgel upang ligtas na mailabas ang naturang ambassador at ang mga staff nito.

Isa sa bukambibig ni Elgel ang mga salitang “hayaan mo na,” na ayon sa kanyang asawang si Maria Victoria Lago ay simbolo ng paniniwala ni Elgel na may mga bagay na hindi na dapat problemahin ng tao at ipinagpapasa-Diyos na lamang.

Noong ika-21 ng Marso 2022, sa Maynila, si Elgel ay biglaang pumanaw dahil sa cerebrovascular bleeding. Kayrami pa niyang pangarap at nais gawin. Siya ay nag-aaral sa TESDA para sa personal na upskilling. Kaya ibayong pagdadalamhati ang naranasan ng kanyang asawa, anak na si Evan, kapamilya, kaibigan at mga dating katrabaho.

Ayon kay Rowel Dela Peña, communication technician din ng CCP, si Elgel ay mabait. “At kapag mabigat ang gawain, nagkukusa siya na gawin ito dahil alam niyang mas mahina ang katawan ko. Mayroon din siyang initiative. Pag nakikita niya na kaya niya ang isang gawain, hindi na siya naghihintay na mautusan. Siya na ang nag-vo-volunteer. Maalahanin din at very considerate si Elgel. Minsan, kapag limitado na ang oras namin sa mga tinatapos, ngunit kailangan ko nang umalis para bumiyahe, para umuwi ng probinsiya, siya na ang umaako ng gawain.”

Ayon din kina Marjorie Almazan, Jeef Marthin Manalo, at Stacy Anne Santos ng CCP Intertextual Division, si Elgel ay palangiti sa kahit na sino, at kahit ano ang sitwasyon, kaya nakakagaan ng araw ang makita siya. Ayon sa kanila, “Palabati rin ito at mukhang masayahin, lagi itong on time at saka available para ayusin ang aming telepono. Siya rin ay friendly, nangungumusta lagi.”

Sa di inaasahang pagpanaw ni Elgel, nananalig ang asawa niyang si Maria Victoria sa mga salitang ito:we never lose those we give to God. Gayundin sa huling linya ng tula ni Rossiter W. Raymond: ‘Life is eternal; and love is immortal; and death is only a horizon; and a horizon is nothing save the limit of our sight.’

Categories: Obituaries

0 Comments

Leave a Reply

Avatar placeholder

Your email address will not be published. Required fields are marked *