Mahusay na Mekaniko, Driver, at Tagapamuno ng CCP Motorpool

Pebrero 20, 1946 – Marso 30, 2020

Si ERNESTO FELIX GREGORIO ay tahimik, pero matinik na mekaniko at driver ng Sentrong Pangkultura ng Pilipinas (CCP). Mahusay pagdating sa long drive kaya siya ang parating nagmamaneho ng CCP Coaster para sa outreach nito sa malalayong lugar.

Unang pumasok sa CCP si Mang Nestor bilang mekaniko. Hindi siya palakuwento, madalas ay hinahayaan niya lang ang kapwa empleyado na bumangka sa kuwentuhan at masaya na siyang nakikinig at nakikitawa. Maski sa inuman ay tahimik siyang nag-e-enjoy sa hawak na beer. Huminto na lang siya sa pag-inom noong nagkaedad na. Pero pagdating sa makina ay si Mang Nestor naman ang bangka. Mahusay siyang magkumpuni ng mga sasakyan. Matulungin at siya ang madalas na kinokonsulta ng mga kapwa driver kapag may kalampag ang kanilang sasakyan. Di nagtagal ay tinanggap na rin siya ng CCP bilang isa sa mga driver nito. Tahimik pero matinik, iyan ang bansag ng mga kapwa driver sa kanya.

Maingat si Mang Nestor sa pagmamaneho. Hindi niya hinaharabas ang mga sasakyan dahil alam niyang hindi ito magiging mabuti. Marahan at maingat siya sa pagpapaandar sa mga malubak na kalye. “Kapag humarurot ka sa lubak-lubak na daan, papalya ang shock absorbers mo sa di katagalan. O kung mamalasin ka ay baka maputulan pa ng ehe,” payo niya kay Edgar Morillo Laganas, isa sa mga batang driver noon sa CCP, pero pinuno na ng Motorpool sa kasalukuyan. “Panatag ang loob ni Nestor Jardin, dating pangulo ng CCP, kapag si Mang Nestor ang may hawak ng manibela,”dagdag ni Laganas.

Halos lahat ng mga opisyal at empleyado ng CCP ay paborito si Mang Nestor dahil maliban sa maingat sa kalsada, siguradong may mekanikong gagawa kung sakaling pumalya ang sasakyan. Dahil matinik na mekaniko ay mabilis na nade-detect niya kung may diperensiya ang sasakyan. Konting langitngit ng fan belt, agad niyang pinapansin; ibang tunog ng makina, agad niyang sisiyasatin. Amoy pa lang ng usok ay alam na niya kung dapat nang palitan ang oil filter. Dahil mahusay sa preventive maintenance, bilang lamang sa daliri ang mga pagkakataon na nasiraan siya ng sasakyan sa daan.

Dahil mahusay ay pinamunuan ni Mang Nestor ang CCP Motorpool Division. Maagap din siya at palaging on-time sa mga appointment bilang driver. Bilang pinuno ng Motorpool, magaan ang loob ng mga kapwa driver kay Mang Nestor dahil maliban sa galing nito sa pagkukumpuni ay hindi ito reklamador. Kahit na minsan ay sunod-sunod ang mga dapat ipagmaneho, tahimik lang na tinatanggap ni Mang Nestor ang trip ticket.

Madalas ay kapos sa paggastos si Mang Nestor para sa malaking pamilya. Pero dahil sa mabuti niyang pakikitungo, hindi nagdadalawang-isip ang mga kasamahan na tulungan ito bilang ganti sa kagandahang loob niya sa mga kasama.

Si Mang Nestor ay ipinanganak nina Ambrosio Gregorio at Isabel Felix noong 20 Pebrero 1947 sa Nueva Ecija. Doon siya lumaki at nag-aral ng mechanical engineering nang dalawang taon. Pantay-pantay ang trato niya sa apat na anak na babae at dalawang lalaki. Mabait din siya bilang lolo sa kanyang mga apo.

Si Mang Nestor ang nagmamaneho ng CCP Coaster at nakarating na ito sa Baguio, Sagada, Ilocos, at Bicol. Isa sa mga empleyado ng CCP ang nagwika, “Maingat siya sa pagsingit dahil ayon sa kanya, mas mabuti na ang maingat kaysa masungit sa daan. Kapag nadisgrasya ay hindi lang ang sasakyan ang may bundol, baka pati pasahero ay may bukol.”

Categories: Obituaries

0 Comments

Leave a Reply

Avatar placeholder

Your email address will not be published. Required fields are marked *