Illustrador at dibuhista ng komiks at de-seryeng nobela sa Filipino
_ – Hulyo 9, 2020
Si FLORENCE A. MAGLALANG ( _– 9 Hulyo 2020) ay isang dibuhista. Isa sa biláng lamang na kababaihang ilustrador ng komiks sa bansa, siya ay nakilala bandáng dekada 80 dahil sa kaniyang mga guhit na karamihan ay kontribusyon sa noo’y Graphic Arts Service Incorporated o GASI na itinatag ng manunulat at editor ng komiks na si Ramon Marcelino (1928-2010) at ng tinaguriang Ama ng Tagalog Komiks na si Tony Velasquez (1910-1997).
Sa kabila ng pagsasara ng GASI noong 1997, nagpatuloy ang karera ni Maglalang sa pagguhit para sa mga paboritong kuwento at de-seryeng nobela na malapit sa puso ng mga mambabasáng Filipino. Ilan sa mga kathang binigyang-buhay niya ay ang May Isang Pag-ibig sa Buról na Iyon ni Fernando G. Doria na inilathala sa Lovelife Komiks (Nobyembre 1983); Ang Regalo sa Pasko (Disyembre 1993) ni Ramil Valioso; Bunga ng Pag-ibig ni Amante M. Orfinada na inilathala ng Beloved Komiks (Hunyo 1995); Ikubli man ang Ulap sa Langit sa Golden Drama Komiks (Agosto 2000), Anay (Setyembre 2000), at Kasama sa Pangarap (Disyembre 2000) sa X-Pat Files na pawang mga katha ni Arman T. Francisco; Dagiti Batekan ni Ariel Sotelo Tabag na lumabas sa Bannawag (Agosto 2019); May Dalawang Lihim na de-seryeng nobela ni Perry C. Mangilaya na inilathala sa Liwayway (Disyembre 2019). Siya rin ang dibuhista sa likod ng mga seryeng Sa Paghihiwalay ng Taon ni Melchor N. Maderazo sa Engkantada Komiks; Silang mga Biktima ni Ronald Tabuzo; Masakit, Nakasusugat, Dumudugo ni Ericto Samson; Bahag ang Buntot ni Rino Fernan Silverio; Estranghera ni Flora Simon Rivera; Teleta ni Elena M. Patron; at ang Forbidden Hearts Series.
Noong 2007, naging kabilang siya sa mga manlilikhang tampok sa Unang Kongreso ng Komiks sa Pilipinas ng Pambansang Komisyon sa Kultura at mga Sining (NCCA).
Mula sa Antipolo, Rizal, si Maglalang ay ang maybahay ng kapuwa kilalang ilustrador ng komiks na si Renn Maglalang.
0 Comments