December 31, 1984 – August 20, 2020

Pintor at Street Artist ng Cavite, Tagapagtaguyod ng Food Not Bombs

Tandang-tanda ko ang itsura ng naglalakihang mukha. Mga mukha na kalimita’y kulay itim at puti na nakapinta sa malalaking pader sa kahabaan ng Emilio Aguinaldo Highway, sa mga abandonadong establisimyento sa Dasmariñas at iba pang mga lugar sa lalawigan ng Cavite. Kaiba sa karamihan dahil hindi spray paint ang ginamit ng gumawa, kung hindi pintura at brotsa. Mano-manong pinaghahalo sa pader na mismo ang mga kulay ng pintura. Hindi ito madaling gawain dahil mas mahirap maghabol ng timpla ng kulay. Dagdag pa na kailangang bilisan dahil madalas ay walang paalam itong ginagawa sa mga pader ng may pader. Hindi trip-trip lang. Inirerehistro niya sa madla ang kanyang adbokasiya sa buhay. Nagpopropaganda siya. Nagpoprotesta.

Ang ama ng mga brotsa at pintura na tinutukoy ko ay si Gutson Alvarado Heyres, mas kilala bilang Pong Para-atman Spongtanyo (sa Facebook) o Ponx (sa mga kaibigang Punks). Unang beses kaming nagkita ni Pong sa Espasyo Siningdikato CreatiVEnue sa Dasmariñas, Cavite noong 2010. Ipinakilala siya sa akin ni Lirio Salvador, kilalang experimental sound artist at Ama ng Sculptural Assemblages sa Pilipinas. Nakasakay pa siya noon sa wheelchair at tulak-tulak ng kanyang kaibigan. May dala siyang clearbook (portfolio) na punong-puno ng mga gawa niya. Black and white ink on paper ang medium ng mga laman nito. Sa hindi ko maipaliwanag na dahilan, nanlaki ang ulo ko at nagtayuan ang mga balahibo nang unang makita ang mga gawa niya. Nakaramdam din ako ng matinding lungkot. Kahit hindi niya pirmahan ang mga obra niya, nakalikha siya ng sariling karakter na kapag nakita ninuman, alam na siya ang gumawa. Ramdam mo ang kaluluwa niya sa bawat piyesa. Akala ko noong una’y ipinanganak si Pong na lumpo, kalauna’y nalaman ko na matinding kakulangan ng potassium ang dahilan kaya siya hindi makapaglakad. Hindi iyon ang unang beses, noong 2007 ay nangyari na rin sa kanya ang ganoon.

Ipinanganak si Pong sa Sta. Cruz, Maynila. Lumaki sa West Pembo, Makati. Nag-aral sa Makati Elementary School at Fort Bonifacio High School. Nang magkolehiyo, kumuha ng kursong Digital Arts sa University of Makati. Hanggang ikalawang taon lamang siya roon, hindi na niya ito tinapos. Bukod sa nahirapan na siyang suportahan ang pag-aaral dala ng kahirapan, tila nawalan na rin siya ng gana dahil nagkahiwalay sila ng noon ay karelasyon niya na si Ivy.

Nang makabili ng lupa sa Cavite ang kanyang kuya Ghelarkan, dito na nanirahan sa Dasmariñas ang kanyang pamilya. Dahil mahirap mangupahan at magpalipat-lipat ng tirahan sa Maynila, pinagtiyagaan nila kahit walang tubig at walang koryente. Pang-apat si Pong sa walong magkakapatid. Ang tatay niyang si Ramon Armas Heyres ang nagbigay ng pangalan niyang “Gutson.” Hango raw iyon sa isa sa tatlong mukha ng mga taong nakaukit sa bangin sa ibang bansa. Samantala, “Tong-tong” naman ang ibinigay na palayaw sa kanya ng kanyang nanay na si Marietta Alvarado Heyres. “Pong Ungas” naman ang ibinansag niya sa kanyang sarili. “Pong” dahil masarap sa kanyang pandinig at “Ungas” para daw astig. Pero sa totoong buhay naman ay mabuting tao ito.

Ayon sa kanyang kapatid na si Gifforda (Jep), likas sa pamilya nila ang marunong gumuhit. Elementarya pa lang daw si Pong ay gumuguhit na ito ng mga tanawin, hanggang madalas nang sumasali sa mga poster at slogan making contest at nananalo naman. Mas nahasa pa ang kamay niya dahil sa kinuhang kurso.

Second year high school si Pong nang maging aktibo sa pagiging punk. Nang makilala niya ang mga kaibigang taga-Makati, madalas na siyang sumasama sa mga rally, dumadalo sa mga konsiyerto, mag-hitch-hike at mag-travel kung saan-saan. Lagi na rin siyang naka-full battle gear street punk. Madalas si Pong ang gumagawa ng posters, flyers sa mga tugtugan at aktibidad. Dagdag pa rito ang mga banner na ginagamit sa politikal na gawain tulad ng demonstrasyon at banner-hanging actions.

Sa anumang ginagawa at kinahihiligan, kakikitaan siya ng dedikasyon. Kung hindi siya nagpipinta, nagtatatak siya ng patches o kaya’y naggagawa siya ng mga zine. Bond paper at ballpen ang mga sandata niya sa paggagawa ng mga zine. Halos buwan-buwang may bagong issue siyang inilalabas. Kapag naririto siya sa amin, lagi ko siyang nakikita sa isang sulok, gumuguhit, nagbabasa, nagsusulat o kaya nagpipinta katabi ang isang mug ng kape. Kung minsan, tatanungin ka niya kung may extra ballpen ka pa at kung may mga naitatabi kang papel na hindi na ginagamit na maaari niyang hingiin. Mahihiya ka na lang sa kasipagan niya.

Kalimitang tema ng kanyang mga likha ay nakaangkla sa anti-war (Food Not Bombs o FNB), counter-culture punks, at anarchism. Lagi siyang mulat sa socio-political na pangyayari hindi lamang sa Pilipinas kung hindi sa buong mundo. Inspirasyon ni Pong ang Black Bloc, Zapatista, at ilang kilalang anarkista. Ayon sa malapit niyang kaibigang si Chung, ng Etniko bandido Infoshop, kritiko si Pong ng urbanisasyon, industriyalisasyon, kahirapan, at pagkasira ng kalikasan. Ilan sa napakaraming trabaho ni Pong; bilang pagbibigay-pugay, iginuhit niya si Carlo Guilliani, isang Italyanong Anarkista na binaril ng pulis sa Genoa Anti-G8 mobilization noong 2001. Gumawa siya ng portrait ni Santiago Maldonado, Argentinian anarchist na isang desaparecido. Masikhay rin siyang nakiisa sa mga kampanya upang palayain ang Sagada 11 Punks. Naroroon din siya sa laban ng mga lumad, at marami pang iba. Dagdag pa nito na batid ni Pong na ang kapitalismo at estado ang nangungunang responsable sa mga kalokohang nagaganap sa buong mundo.

Taong 2011, pagkagaling nina Pong at mga kaibigan sa taunang Anarchy/ Equality Fest na ginanap sa University of the Philippines Diliman, sinimulan nila ang Bahay Anarkulay sa bahay mismo nina Pong. Ito ay isang mala-info-shop, isang mini library-creative space. Sa mga panahong ito, hindi pa rin nakakalakad si Pong. Kahit naka- wheelchair, pinipilit niyang isama siya ng mga kaibigan sa pagpapakain ng mga tao sa lansangan (FNB) dahil gusto niyang mag-face paint sa mga bata at mamigay ng coloring books na sariling gawa niya para maging libangan ng mga ito. Hindi rin naging hadlang ang sakit niya sa pagdalo-dalo sa mga Do-It-Yourself gig. Gustong-gusto niyang makita at makakuwentuhan ang kanyang mga kaibigan.

Si Pong ang isa sa mga nagpaningas, ugat ng apoy kung bakit mas masidhing lumaganap ang FNB sa Cavite. Nagpatuloy ito, naganap at nakapanghikayat ng iba’t ibang indibiduwal, mga musikero, mga makata, mga pintor, mga graffiti artist, mga skater, mga film maker, mga estudyante, tropahan, at maging magulang ng mga ito hanggang sa kasalukuyan. Ang FNB ay kadalasang naisasagawa sa mga covered court, nasunog na day care center, mga bangketa, mga eskinita, mga barangay, mga excess lot o mga butas na espasyo kung saan mas malapit ito sa komunidad. Nang sa gayon ay mas maibabahagi ang turo at prinsipyo ng nabanggit na payapang protesta. Dahil sa ganitong mga ganap at makataong gawi, unti-unting nawawala ang pagkagulat at panghuhusga sa postura ng mga punk. Nararamdaman ng mga nagboboluntaryo sa FNB ang munting butil ng pag-ibig sa kanilang mga puso sa tuwing magagawa ang pagbabahagi. Gayundin, dahan-dahang tinatalakay sa mga taong dumalo at napadaan kung ano ba talaga ang FNB.

Noong 2013, nakalakad muli si Pong. Dali-dali siyang nagbiyahe at nagpa-Bulacan. Dito niya nakilala si Brigitte, at nagmahal siyang muli. Iniuwi niya sa Dasma kasama ang mga anak nito. Todo-raket si Pong para pantawid sa mag-iina. Bakas sa mga mata at ngiti ni Pong ang pag-ibig. Ang dating madilim na bahay ay naging makulay. Bagama’t nagpokus siya sa buhay may pamilya, hindi naman natigil ang pagdalo-dalo niya sa mga gig, FNB, at mga eksibit. Kung saan-saan pa rin siya nakakarating. Isa siya sa nagtulak kina Talo at Cavite Punk Movement na ipagpatuloy ang mga eksena, FNB, at mga radikal na galaw sa Dasmariñas, Cavite.

Taong 2019, nagkalabuan na nauwi sa hiwalayan ang relasyong Pong-Bridgitte. Kumupas ang dating makukulay na ngiti ni Pong. Madalas na siyang nag-iisa at nag-iisip. Dinamdam niya nang labis ang nangyari. Gumala siyang muli. Inikot niya ang halos buong CALABARZON. Tinutukan niya ang pagpipinta. Inalalayan siya ng mga kaibigang sina Roman Soleno (ng Roman Empire, Tinimbang Ka Ngunit Kulang at The Exsenadors) at Buen Abrigo (ng WALA at CCP 13 Artists Awardee). Lalong nahasa ang kanyang teknik sa pagpipinta. Nakakasama na siya sa ilang group show sa mga sikat na gallery.

Pagputok ng pandemya noong 2020, na-lockdown siya sa Flip and Beyond Bar sa Dasmariñas. Siya lamang mag-isa roon. Wala siyang makausap. Nagpipinta lang siya ng mga raket niya. Hindi siya makalabas dahil wala siyang quarantine pass. Limitado rin ang biyahe. Napabayaan niya ulit ang kanyang sarili. Wala siyang ganang kumain at madalas kinaaawaan ang sarili. Bumagsak ulit ang potassium niya. Hindi na naman siya makalakad. Nangayayat siya nang labis. Ilang buwan nang lockdown, saka lang namin nalaman na naroroon siya sa Flip and Beyond. Buong akala namin ay sa bahay ng ibang tropa siya inabutan ng pandemya.

Gamit ang social media, humingi ng tulong ang mga kaibigan para kay Pong. Ang daming dumating. Kahit iyong mga kaklase ni Pong noong high school ay nagpaabot din. Nakalikom ng sapat na halaga para masundo siya at makaupa ng bahay na tutuluyan niya pansamantala.

Naihatid din siya sa bahay nila noon, sa Bahay Anarkulay. Nakaligtaan niya raw ang mahahalagang bagay. Gusto niya raw bumawi sa pamilya, kaibigan, at mga pamangkin.

Pinilit nina Talo na ipa-check up si Pong. Dahil sa protocols ng mga ospital, halos nakalimang ospital sila na napuntahan. Hindi tinanggap si Pong. Kung tatanggapin siya ay isu-swab test muna at ilalagay sa Patient Under Investigation (PUI). Puno ang mga ospital, kung ia-admit siya, walang bakanteng higaan. Tanging monoblock na upuan lang daw ang kayang ibigay ng ospital. Dahil sa inis at galit, ibinalik na lang nina Talo si Pong sa kanilang bahay. Kinabukasan, binalikan ulit siya nina Talo. Medyo mahina na si Pong. Hinatid nila ang hiling nitong cellular phone at pinaghanda na rin sila kasi lilipat na kinabukasan sa bahay na uupahan.

Agosto 20, 2020, ika-11:30 ng umaga, binawian na ng buhay si Pong sa Bahay Anarkulay. Kasabay ng pagkamatay niya ang malakas na buhos ng ulan. Paisa-isang nagdatingan ang mga kaibigan. Nagtulong-tulong ang lahat mula sa cremation hanggang sa lamay. Kahit bawal, ibinurol namin nang tatlong araw ang abo niya sa bakuran namin sa Ingay Likha, Imus, Cavite. Napakaraming nagdatingang kakilala at kaibigan mula sa iba’t ibang lugar. Parang reunion ang nangyari. Hanggang ngayon, kahit pisikal na wala na si Pong, pakiramdam naming lahat ay nariyan lamang siya, naglalakbay sa bayan-bayan. Ang natira mula sa mga naipon na donasyon ng kung sino-sino ay ibinigay lahat sa kapatid niya.

Sabi nga ni Talo, “Pong, habambuhay kang nasa puso namin. Salamat sa mga alaala at aral. Mahal ka namin. Squat the spirit world, Pong.”

Akda ni Heidi B. Sarno at unang nalathala sa In Certain Seasons Mothers Write in the Time of Covid (2020), handog ng Cultural Center of the Philippines at Philippine Center of International PEN.

Categories: Obituaries

0 Comments

Leave a Reply

Avatar placeholder

Your email address will not be published. Required fields are marked *