Batikang Dibuhista, Manunulat, at Mahusay na Guro sa Mundo ng Komiks
Agosto 9, 1941 – Pebrero 21, 2021
Si Hal Santiago ay isang malaking pangalan sa mundo ng komiks bilang dibuhista sa dami ng kanyang nagawang nobela, serye at mga maiikling kuwento. Kabilang na riyan ang reputasyon bilang isa sa may pinakamaraming estudyante sa larangang ito ng pagdidibuho.
Ipinanganak noong Agosto 9, 1941, maaga siyang namulat sa pagbabasa ng komiks dahil sa pangongolekta ng komiks strip ng kanyang ama mula sa iba’t ibang magasin at diyaryo. Ginugupit niya noon ang mga strip na ‘Tarzan’ at ‘Prince Valiant’ na ginawa ni Harold ‘Hal’ Foster upang gawing isang buong koleksiyon.
Noong 1958 ay sinulatan niya si Foster upang humingi ng gabay at lessons tungkol sa pagdo-drawing sa komiks. Hindi naman siya binigo nito at sumulat ito pabalik. Iyon ang nagsilbing inspirasyon sa kanya para pasukin ang komiks.
Nagsimula siyang magdrawing ng mga short story sa magasing Bulaklak at sa Manila Klasiks hanggang sa ikomisyon siya ni Cil Evangelista upang gawin ang nobelang ‘Puso sa Puso’ na isinulat ni Bert Tablan para sa Screen Komiks.
Dekada 60, binago niya ang kanyang pangalan, mula sa ‘Dominador’ ay naging ‘Hal’, bilang pagkilala sa kanyang idolo na si Hal Foster. 1967, napasok siya sa PSG Publications na pag-aari ng sikat na manunulat na si Pablo Gomez at ginawa ang mga nobelang ‘Durando,” “Kuwatro,” at “Ang Kampana ng Sta. Quiteria.” Ang exposure na iyon sa mundo ng komiks ang naging dahilan kung bakit natuto rin siyang magsulat. Laman siya ng mga library ng Maynila kabilang na riyan ang United States Information Service library sa Escolta.
Nasa Atlas Publications siya nang gawin ang ‘Ang Huling Umaga’ na kauna-unahan niyang nobela na siya rin ang nagsulat at nagdibuho.
Napunta siya sa GASI o Graphic Arts Services Inc. noong 1977 at nakapagsimulang gumawa ng mga obrang maituturing na ‘best sellers’ na siya na rin ang nagsulat at nagdibuho. Kabilang dito ang ‘The Hands’ na nagwagi noong 1984 bilang Best Written and Illustrated novel na ibinigay ng WIKA, isang komiks contributors association.
Siya ay sumakabilang-buhay noong Pebrero 21, 2021.
Isa si Hal Santiago sa mayroong pinakamaraming libro at reperensiya para sa mga gumagawa ng komiks sa Pilipinas. Maaga siyang namulat sa pagbabasa at madalas niyang ikinukuwento na naglalakad siya mula Pasay hanggang Maynila upang mag-ikot lamang sa mga library upang magbasa. Kung nagagawi kayo sa Pasay Station ng MRT sa EDSA ay matatanaw ninyo ang isang mababang gusali sa gilid na may nakasulat na ‘Hal Santiago Library’, iyon ang koleksiyon ng mga aklat at babasahin na kanyang naipon simula pa noong bago siya nagsimula sa komiks.
0 Comments