Makata, Manunulat, at Aktibista
Mayo 29, 1979 – Agosto 20, 2021
Si Kerima Lorena Tariman ay isang makata, manunulat, at aktibista. Siya ay tubong Albay, Bikol, nanirahan malapit sa dagat at natatanaw ang Bulkang Mayon. Ang kaniyang ama ay si Pablo Tariman na isang manunulat, kritiko, mamamahayag, at impresario. Sa ama nakuha ni Kerima ang hilig sa pagsulat ng mga tula. Ang kaniyang ina ay si Merlita Lorena na dating political detainee noong panahon ng Batas Militar. Si Kerima ay pangalawa sa tatlong magkakapatid na babae. Kaniyang napangasawa si Ericson Acosta, isang makata, mamamahayag, at songwriter. Nagkaroon sila ng isang anak, si Emmanuel Tariman Acosta.
“Kelot” kung siya ay tawagin ng kaniyang mga kaibigan. Ayon kay Rommel Rodriguez na propesor sa Unibersidad ng Pilipinas, si Kerima ay “tahimik ngunit matapang,” at pagsasalarawan ng ilang kabigan sa kanya ay “chill girl” na tumutugtog ng gitara at nakikitawa sa mga biruan. Madalas ay napalilibutan siya ng libro at likas sa kaniya ang husay sa pagsulat ng tula. Nagtapos siya ng sekondarya bilang salutatorian sa Philippine High School for the Arts kung saan ay iskolar siya ng creative writing. Nakapaa siyang umakyat ng stage upang magbigay ng maikling talumpati. Bago pa man magkolehiyo, nagsusuri na si Tariman ng mga libro at pelikula sa Pinoy Weekly. Nalathala rin ang ilang tula niya sa Sunday Inquirer, The Manila Chronicle, at Diyaryo Filipino. Nag-aral siya ng kolehiyo sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman taong 1996 kung saan kumuha siya ng journalism, ngunit kalaunan ay lumipat ng Philippine Studies. Dito ay naging editor siya ng Philippine Collegian, isang student publication ng unibersidad, kung saan dati rin siyang culture editor. Isa sa mga isinulat niya para sa publikasyon ay ang “Talakayang-Buhay o ‘Panitikang Saksi’ ng Pambansa-Demokratikong Kilusan” noong Agosto 3, 1998. Matapos ang apat na taon, iniwan niya ang unibersidad para sa community work. Ang kaniyang librong nalathala ay ang Biyahe (1996). Taong 2000, siya ay naaresto at na-detain sa Isabela habang nananaliksik sa kalagayan ng mga manggagawa sa bukid, at pinakawalan din siya nang taon na iyon.
Matapos nito, siya ang naging kauna-unahang chairperson ng Kabataang Artista Para sa Tunay na Kalayaan (KARATULA) noong 2000. Sumali rin sila ng kaniyang asawa sa samahang Unyon ng Manggagawa sa Agrikultura (CUMA) noong 2013. Taong 2017 nailathala ang kaniyang koleksiyon ng mga tula na Pag-aaral sa Oras: Mga Lumang Tula Tungkol sa Bago, kinilala ito ng CNN Philippines bilang One of the best books by Filipinos taong 2018. Hanggang sa dulo ng kaniyang buhay, ipinaglaban pa rin ni Tariman ang tunay na kalayaan kung saan siya ay nasawi dahil sa bakbakan ng New People’s Army at militar sa Hacienda Raymunda, Silay City, Negros Occidental.
Bilang pagdadalamhati ni Pablo Tariman sa pagpanaw ng anak, nag-post siya sa kanyang Facebook page ng isang tula bilang tribute kay Kerima na pinamagatang “Infant in my Mind.” Ito ang ilang taludtod.
I like the innocence
In my daughter’s eyes.
I like the angelic face
I treasured
When life was young
And carefree.
I will soon see
What’s left of her angelic face
When I see her cold body
Lying on the cement floor.
It is a belated fond goodbye
It is a farewell to arms
It is a final curtain call
To the infant
In my mind.
0 Comments