Musikero ng grupong Banyuhay, classical guitarist, at isa sa mga haligi ng OPM sa genre na folk rock
Disyembre 8, 1951 – Oktubre 3, 2020
Pang-apat sa anim na anak ng musikerong si Deogracias Bartolome at mang-aawit ng zarzuelang si Angelina Gonzalez si LEVI BARTOLOME (1951-2020) na isinilang noong Disyembre 8, 1951 sa Cabanatuan, Nueva Ecija. Siya ang lead guitarist ng bandang Banyuhay na itinatag naman ng kanyang kuyang si Heber Bartolome noong 1975. Bagamat hindi niya natapos ang kanyang kurso sa UP College of Music Diliman, Quezon City, malalim ang impluwensiya ng musikang klasikal sa paggigitara ni Levi Bartolome. At ang mga ito ay malikhain niyang naiambag sa mga awitin ng Banyuhay na tumatak sa kamalayan ng mga Pilipino sa loob ng mahigit na apat na dekada.
Bilang gitarista ng Banyuhay, lumitaw ang kakaibang estilo ng kanyang paggigitara sa mga awiting tulad ng “Tayo’y Mga Pinoy”, “Pasahero”, “Istambay”,“Awit Ko’ ,“Buhay Pinoy”, “Oy Utol, Buto’t Balat Ka Na’y Natutulog Ka Pa”, “Almusal”, “Paaralan”, “Kung Walang Pag-ibig” at iba pang awit na nagpasikat sa banda. Kasama ang isa pa niyang kapatid na si Jesse Bartolome sa bass guitar, nagbigay ng komplemento sa mga komposisyon ng kuya niyang si Heber Bartolome ang iskala ng pagtipa sa gitara ni Levi Bartolome upang lumutang ang genre ng folk at rock sa musika ng Banyuhay.
Damang-dama sa kanilang mga awitin mga mensahe ng pagmamalasakit sa wika, pagkamakabayan, pangangalaga sa kalikasan, pagmamahal sa kalayaan at ang kanilang mga paghahayag ng iba’t-ibang isyung panlipunan. Ang mga ito’y higit na tumingkad dahil sa malikhaing pamamaraan sa paggigitara ni Levi Bartolome.
Limang music albums ang nabuo ng Banyuhay tulad ng “Tayo’y Mga Pinoy” (1978), Kalamansi Sa Sugat” (1985),”Katotohanan Lamang” (1988), “Kung Walang Pag-ibig” (1990, at “Tatlong Kahig Isang Tuka” (1992) na lahat ay kinatampukan ng lead guitar ni Levi Bartolome. Sa pagitan ng pagiging gitarista ng Banyuhay ay naipamalas din ni Levi Bartolome ang husay niya bilang classical guitarist sa Malaysia at Brunei. Noong 2010 ay nakapagtanghal din siya at ang Banyuhay sa Canada.
Bukod sa Banyuhay ay naging lead guitarist din siya sa mga pagtatanghal ng guro at musikerong si Joel Costa Malabanan ng Philippine Normal University, Manila mula 2012 hanggang 2017. Siya ang unang naglapat ng musical arrangement sa mga komposisyon ni Joel Malabanan tulad ng awit na “Speak in English Zone”, “Awit kay Andres Bonifacio”, “Dakilang Guro”, “O Kung Pasyon”, “Sa Gabi ng Kasal”(liriko ni Michael Coroza), “Lahat Tayo’y Nagdarasal” (lilriko ni Jun Cruz Reyes) at marami pang iba. Ilan naman sa sarili niyang komposisyon sa gitara ay ang “Sa Iyong Paglisan”, “Bungang Isip” at iba pang piyesang hindi niya nabigyan ng pamagat.
Sa edad na 68 taong gulang ay pumanaw siya noong ika-3 ng Oktubre, 2020 sa Novaliches, Quezon City dahil sa karamdaman niya sa bato. Iniwan niya ang apat niyang anak na ang dalawa, sina Eloisa at Samuel ay kapwa musikero rin. Kasabay ng pagpanaw niya ay naulila rin ang mga kapatid niyang sina Heber at Jesse sa bandang Banyuhay. Ang ambag niya sa musika ay patuloy na gugunitain ng kanyang mga anak, kapatid, kaibigan at iba pang musikerong nagtataguyod ng pagkakakilanlan at paglaya ng samabayang Pilipino. Sa himig ng gitara ni Levi Bartolome, dumaloy ang taginting ng ng awit na maka-Pilipino at para sa Pilipino.
0 Comments