Ilustrador at dibuhista sa komiks noong mga dekadang nanaig sa popular na kamalayan at panlasa ganitong uri ng panitikan.

1950 – 2020

Si LOUIE CELERIO (1950-2020) ay tanyag na ilustrador sa komiks noong kasikatan ng uri ng babasahing ito noong dekada sitenta hanggang sa mga unang taon ng dekada nobenta. Nagtrabaho siya para sa mga kilalang publikasyon ng komiks tulad ng Atlas at Gasi.

Siya ay naging dibuhista ng mga kuwento ng mga kilalang nobelista ng komiks tulad ni Pablo Gomez para sa Rosa Mistica, The Family Tree, Machete, Mamaw, at Kamay ni Hilda. Ang Doreen and the Movie Fan ni Virgo Villa ay isa sa mga una niyang ginawan ng komiks. Para naman kay Carlo Caparas, iginuhit niya ang Movie King at I’m The Greatest. Siya rin ang gumuhit sa nobelang Bakit May Paalam, Kandungang Putik, at Hayag na Lihim ni Nerissa Cabral. Iginuhit din niya ang Huwag Mo Kaming Isumpa at Kung Kasalanan Man ni Gilda Olvidado. Ang mga kuwentong Golden Drama at Rebeldeng Puso naman ang iginuhit niya para kay Arman Francisco. May ginawa ring proyekto sina Francisco at Celerio para sa Black Ink Publications, ang Juego de Bastardo, ngunit hindi ito nailabas sa publiko. Naging freelance artist din si Celerio para sa Manila Bulletin at sa komiks ng Liwayway magazine. Siya rin ang naging ilustrador para sa isang animated infomercial tungkol sa karapatang pantao na pinamagatang Warrant na isinulat at dinerehe ni Bon Labora. Una itong ipinalabas sa KONTRA-AGOS Resistance Film Festival noong 2007. Itinampok din ito sa 5th International Short Film Festival sa Detmold, Germany.

Ipinanganak siya noong Setyembre 27, 1950. Nag-aral siya sa Elpidio Quirino Bacood High School at nagtapos ng fine arts sa Unibersidad ng Pilipinas. Anak siya ng National Artist na si Levi Celerio. Ang kanyang kapatid na si Joey Celerio ay isa ring tanyag na ilustrador ng komiks tulad niya. Kuwento ng kaniyang nag-iisang anak na si Levilyn Manansala-Celerio, hanggang sa huling taon ng kanyang buhay ay patuloy na gumuhit ang kaniyang ama. Paborito niyang gawan ng panibagong rendisyon ang mga dati niyang katha na naisapelikula na. Ang mga likhang ito ay magiging huling alay ni Celerio at buod ng kaniyang debosyon sa pagsasalarawan at pagtaguyod sa kultura at buhay ng Pilipino sa pamamagitan ng mga larawan sa komiks.

Categories: Obituaries

0 Comments

Leave a Reply

Avatar placeholder

Your email address will not be published. Required fields are marked *