Mahusay na in-house technician at production staff ng CCP; ulirang ama at huwarang manggagawa

Mayo 11, 1957 – Agosto 30, 2020

MAMERTO VALDE ABUSO (kilala rin bilang si Emer, 1957-2020) ay in-house technician at production staff ng Sentrong Pangkultura ng Pilipinas(CCP). Sa loob ng apat na dekada, naging huwarang empleyado at mahusay na katrabaho si Emer. Pinahalagahan rin niya ang mga pagsasanay na loob at labas ng CCP, na ibinibigay nito para patuloy na lumago ang kaalaman ng mga empleyado. Masipag si Emer sa pagdalo sa mga workshop at seminar tulad ng Film Projection, Master Classes in Set and Lightning Design, at marami pang iba.

Mahusay ding makisama si Emer, kaya naman umabot nang ganun kahabang panahon ang paglilingkod niya sining at sa bayan. Nakasalamuha na niya ang iba’t-ibang personalidad sa larangan ng sining, kultura, pulitika, at relihiyon; at nakasaksi ng iba’t ibang daloy ng pagtatanghal sa CCP.

Noong natanggap si Abuso bilang kawani ng CCP noong 1979, dinadaan niya ang mga balakid sa kalye at sa buhay para maitaguyod ang pamilya. Naka-ilang bagyo, baha, rally, trapik, lindol, kudeta, at gulo sa pulitika ng bansa ang nalampasan ni Abuso sa kanyang pagpunta sa trabaho at pag-uwi sa mga mahal sa buhay.

“Siya ay mapagmahal na asawa at ama sa kanyang mga anak,” ayon kay Marilou Asis Abuso, asawa niya. “Hindi nawala ang kanyang suporta kahit na may mga trabaho na ito. Lahat ay gagawin masuportahan lang ang kanyang pamilya.”

Napagtapos ni Abuso sa kolehiyo ang mga anak na si Mark Louie ng HRM, si Jean Myra ng Nursing, at si Rick Vincent ng Marketing.

Si Abuso ay ipinanganak kina Loreto Daya Abuso at Mary Valde noong 11 Mayo 1957 sa Lucban, Quezon, doon din siya lumaki, nakapagtapos sa Lucban National High School (1974) at kumuha ng vocational course sa Banahaw Technological College. Nakipagsapalaran sa siyudad na nauwi sa pagpasok niya sa CCP sa edad na 22 taon.

Patunay ang buhay ni Emer na basta’t masigasig at may pag-ibig, walang balakid sa daan ng buhay na maaring makapigil sa mga pangarap na tunay.

Categories: Obituaries

0 Comments

Leave a Reply

Avatar placeholder

Your email address will not be published. Required fields are marked *