Tumanggap ng Gawad CCP para sa Panitikan (1989). Nobelista. Makata. Guro. Tagapangasiwa. Kaibigan.
Setyembre 12, 1949 – Abril 3, 2021
Kainitan ng aktibismo sa bansa noong 1971 nang magtungo si Mario Ignacio Miclat at ang kanyang maybahay na si Alma Cruz Miclat at sampu sa iba pang mga aktibista sa Beijing, China, isang taon bago ang pagdeklara ng martial law sa Filipinas.
Ayon pa kay Alma, 15 taon silang namalagi roon. Nagtrabaho sila bilang foreign specialist sa Radio Peking kung saan nagpapalabas sila ng 30-minutong programa sa Filipino tatlong beses sa isang araw.
Doon na rin ipinanganak ang dalawang anak nilang sina Banaue at Maningning.
Nagbalik ang pamilya Miclat sa Filipinas noong 1986, matapos ang EDSA Revolution at ang pagbagsak ng rehimen ni Ferdinand Marcos.
Naglingkod si Mario bilang dean ng University of the Philippines Asian Center, at nag-retire bilang full professor at associate ng Likhaan: UP Institute of Creative Writing.
Naging director ng Sentro ng Wikang Filipino ng UP System mula 1996 hanggang 2001. Bilang SWF director ay tinutukan nito ang pagsasalin ng science fiction ng mga batikang manunulat na sina Arthur C. Clarke, Alan Lightman at Daniel Keyes, na pinamagatang “Ang Tala, Mga Panaginip, at Bulaklak sa Libingan ng Daga” (2001).
Isinalin niya rin sa Filipino mula sa orihinal na Chinese ang “Ang Taong Yungib ng Peking” (1999) ni Cao Yu.
Naging committee head din siya ng National Committee on Language ang Translation ng National Commission on Culture and the Arts at UP CWC National Fellow for Translation mula 1995-1996.
Ginawaran din siya ng Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas para sa fiction sa English at Filipino, Patnubay ng Sining at Kalinangan ng City of Manila, UP Centennial Professorial Chair Award, UP Press Centennial Publications Award, at itinanghal na Kampeon ng Wika mula sa Komisyon sa Wikang Filipino.
Napabilang sa long-list sa 2009 Man Asian Literary Price ang novel niyang “Secrets of the Eighteen Mansions” (Anvil Publishing, 2010). Nanalo naman sa National Book Development Board para sa biography ang “Beyond the Great Wall” (Anvil Publishing, 2006) na isinulat ni Doc Mic kasama ang asawang si Alma at dalawang anak na sina Maningning at Banaue.
Ilan pa sa kanyang mga aklat ay ang “Pinoy Odyssey 2049” (2005) at “Beauty for Ashes: Remembering Maningning” (kasama si Romulo P. Baquiran, Jr., 2001).
Ang kanya namang pampanitikang mga akda ay nagkamit ng gantimpala sa Asiaweek Short Story Competition, at Don Carlos Palanca Memorial Awards. Nakuha rin niya ang Gawad CCP para sa Panitikan (Cultural Center of the Philippines Award for Literature) sa Filipino fiction noong 1989.
Sa Arts Online naman ng Cultural Center of the Philippines (CCP) noong Setyembre 2019 ay nagbahagi ng kaalaman si Doc Mic tungkol sa Baybayin.
Ilang beses na ring nagkaroon ng kolaborasyon ang CCP at Maningning Miclat Art Foundation, Inc (MMAFI) kung saan Trustee si Doc Mic. Taong 2005 at 2017 naman ay itinanghal ng MMAFI sa Little Theater ang Maningning Miclat Poetry Awards na may kasamang concerts.
Nagtapos siya ng doctorate degree sa University of the Philippines sa Diliman.
Si Mario Ignacio Miclat. Ipinanganak sa Marikina noong Setyembre 12, 1949 at lumaki sa mga lugar gaya ng Tubod, Lanao del Norte, San Ramon, Masbate, Olongapo at Zambales.
Natuldukan man ang buhay ni Doc Mic sa edad na 71 ngunit hindi naman mabubura sa puso ninuman ang kanyang maningning na ambag sa panitikang Filipino.
0 Comments