Retratista, Manunulat, at Piloto
Mayo 27, 1944 – Oktubre 2, 2021
Nakilala ang beteranong photojournalist na si Recto Mercene sa pagkuha ng huling larawan ni Benigno ‘Ninoy’ Aquino Jr. Sa larawan ay nakadapa si Ninoy sa sementong sahig ng paliparan, duguan at walang buhay. Nang araw na iyon, isa si Mercene sa pitong retratista na maaaring matunghayan ang pag-uwi ni Aquino mula sa Amerika. Si Mercene ay nagtatrabaho noon sa Times Journal, isa sa mga diyaryo noong martial law.
Ipinanganak si Mercene sa Gasan, Marinduque noong Mayo 27, 1944. Natuto siyang magpalipad ng eroplano bilang Colombo Scholarship Grantee sa Hurn College of Air Traffic Control sa Bournemouth, United Kingdom. Nagtrabaho siya bilang piloto at air traffic control sa loob ng 18 taon. Ngunit hindi nagtagal ay pinili ni Mercene ang pagiging manunulat at retratista. Ito ang naging daan upang kilalanin siya bilang respetadong miyembro ng Department of Foreign Affairs – Press Corps. Siya rin ay naging Aviation at Defense Reporter na tumutulong sa mga nasalanta ng kalamidad sa malalayong lugar sa Pilipinas.
Ibinahagi ni Mercene sa isa sa mga panayam ang naramdaman niya matapos ang pagbaril kay Benigno Aquino Jr., at nang makita niyang may dalawang nakadapa sa semento ng noo’y Manila International Airport. “At the time, medyo paranoid ako. It was martial law, and alam mo naman, ‘yong iba, maski walang dahilan, puwede kang arestuhin,” sabi ni Mercene kay Gutierrez ng Esquire Magazine. Ang retratong iyon ni Benigno Aquino Jr. ay napunta sa kamay ng mga imbestigador. Tinatawag ng karamihan ang serye ng mga retrato ni Mercene noong araw na iyon bilang “Hail Mary” sapagkat hindi niya malilimutan ang nakatutok na baril sa lente ng kanyang kamera sa mga oras na iyon. Kinailangan niyang magdasal upang makakuha ng retrato sa huling 34 na shots na mayroon siya.
Itinampok noong 2017 sa Business Mirror ang dati pa niyang kinakaaliwan noong kolehiyo – ang paghuhulma ng bonsai. Mayroon siyang koleksiyon nito at ang pinakamatanda sa mga ito ay nasa 34 taong gulang na. Binanggit din niya sa panayam sa Esquire Magazine kung bakit siya nahumaling sa mga bonsai. Ayon sa kanya, “ang sining na ito ay hindi basta natatapos. Patuloy itong nabubuhay at lalong namumukadkad.”
Huling trabaho ni Mercene ang pagiging manunulat sa Business Mirror.
Himbing nang lumisan si Recto Mercene noong Oktubre 2, 2021. Siya ay mapagmahal sa kanyang pamilya. Sinuklian ito ng pag-aaruga ng kanyang mga kapamilya, lalo na ng anak na si Danica Mercene at ng mga apong sina Yumilka at Zach. Hindi rin siya malilimutan ng kanyang mga kaibigan at kapamilya dahil sa kanyang masayahin at palabirong personalidad.
Sa araw ng kanyang pagpanaw, nag-alay ng mabubuting salita ang DFA – Office of the Public and Cultural Diplomacy, “As a photojournalist, Recto Mercene told the story of our country’s history as he captured, with courage, skill and artistry, some of its most pivotal moments. The DFA-OPCD takes pride in having worked with a veteran photojournalist who remained humble, sincere and professional–a fair and good friend to those who became the Department’s spokespersons and to the Department as a whole.”
Hindi siya nagkakamali, hindi nagwawakas ang isang sining, patuloy na maalala ng mga Filipino si Recto Mercene at ang kanyang mga likha.
0 Comments