World Class na Fashion Designer
Hunyo 16, 1967 – Marso 3, 2021
Ang Filipino fashion designer na lumikha ng mga kasuotan ng naggagandahang celebrity sa Pilipinas at Hollywood ay walang iba kundi si Rocky Gathercole. Kabilang sa kanyang mga dinamitan ay sina Sharon Cuneta, Britney Spears, Jennifer Lopez, Beyoncé, at ang Miss Universe Philippines 2020 na si Rabiya Mateo.
Kilala bilang isang avant-garde na fashion designer itong si Rocky Gathercole, at ang kanyang ginalawang mundo ay glamoroso, taliwas sa payak niyang buhay noong kanyang kabataan. Matapos ang ilang taon na pagiging palaboy at pagtulog sa ilalim ng Quezon Bridge sa Quiapo at pagbebenta ng tapsilog sa pamamagitan ng kariton sa Roxas Boulevard ay nakakuha siya ng oportunidad para makapagtrabaho sa Saudi Arabia.
Doon ay lubos siyang hinangaan ng kanyang amo nang naipakita niyang kaya niyang mag-sketch ng gown sa loob lamang ng limang minuto. Natutunan niya ito sa sariling pag-aaral ng fashion design sa oras ng kanyang pahinga sa dati niyang trabaho bilang serbidor sa isang restaurant sa Makati.
Dalawang dekadang namalagi sa Middle East si Rocky. Sa pagtatrabaho niya para sa iba’t ibang amo, nakapag-ipon siya ng sapat na pera para makapagpatayo ng sariling shop sa Dubai. Lumikha siya ng mga disenyo para sa mga wedding dress at formal couture gown. Wala man siyang pormal na training sa paglikha ng mga kasuotan ay napakasipag at tiyaga niya sa trial and error na proseso. Mula noon, nagtuloy-tuloy na ang kanyang tagumpay sa larangan ng fashion.
Una siyang nakapagtanghal ng kanyang mga disenyo sa United States sa Miami Fashion Week noong 2010. Dahil sa dami ng humanga sa kanya ay agad itong nasundan ng pagsali niya sa mga fashion event mula New York hanggang Los Angeles. Siya rin ay nagtanghal ng mga disenyo sa Australia, at laging front cover ng mga international fashion magazine ang kanyang mga likha.
“I could do the weird things and, at the same time, I could do the very simple and elegant wedding dresses. In the Middle East, my line was wedding dresses. I can do anything. Here in the U.S. is where I got noticed, so I’ve been associated with kabaliwan. That’s okay as long as I am enjoying what I’m doing. Personally, it’s important na masaya ako,” sabi ni Rocky sa interbyu para sa Asian Journal.
Ayon pa sa manunulat at photographer na si Irvin Rivera, mga likhang-sining ang kasuotan na ginagawa ni Rocky. Malaki ang naging impluwensiya ni Thierry Mugler, isang French fashion designer, sa radikal at “pasabog” na estilo ni Rocky. Lubos ding hinangaan ni Rocky ang mga kapwa Filipino fashion designer na sina Steve de Leon at Tony Cajucom.
Ayon kay Tony Cajucom, “What I admire most in Rocky is tenacity. You take a look at his creations and you are astounded by the large amount of patience entailed to achieve such high level of precision in design and execution, and the unending supply of very well-curated components and materials to come up with such superb visions meant to stun and entertain.”
Sa kabila ng nag-uumapaw na kasikatan at tumataginting na pangalan ng mga kliyente ni Rocky gaya nina Maricel Soriano at Paris Hilton, nanatiling mapagkumbaba si Rocky. Naging mabuti siyang ama sa nag-iisa niyang anak na si Andrei at hindi niya tinalikuran ang kanyang mga magulang, na dahilan ng pagiging palaboy ni Rocky noong kabataan niya. Pagtuntong ni Rocky sa ikaapat na dekada ng kanyang buhay, umuwi siya sa Pilipinas at nagpatayo ng bahay para sa mga mahal sa buhay. Dahil sa kanyang pagsisikap, tinupad niya hindi lamang ang pangarap niya kundi ang mga pangakong binitiwan niya para mabigyan ng magandang buhay ang pamilya.
Ang tugon ni Rocky sa magandang kapalaran, “I think living on the streets [helped] with that because I never expected a life where everything was given to me.”
Inspirasyon si Rocky sa marami na nangangarap ding maging fashion designer, kaya ang kanyang kuwento ng tagumpay ay isinadula sa TV program na Maalaala Mo Kaya noong 2017, isang di malilimutang pagsasabuhay ng kanyang danas. Siya rin ay nag-organisa ng mga fundraising event upang makatulong sa mga palaboy na kabataan.
Tahimik na namaalam si Rocky isang hapon sa kanyang bahay sa Quezon City, sa edad na 54.
Narito ang mabubuting salita ng isa sa mga anak-anakan ni Rocky sa mundo ng fashion na si Richie Bondoc, “I remember last time namin nag-show sa America, para ko s’yang stage mother na lagi nakaalalay, nagtsi-check ng collection ko. But hindi n’ya pinapakialaman ang mga designs ko. Gusto n’ya ako mismo maka-discover ng talent ko at matuto kung ano pa dapat ko i-improve, basta nasa tabi ko lang daw s’ya….Magiging mas magaling ako dahil babaunin ko lahat ng itinuro n’ya sa akin. As a fashion designer, he is my Rock na hindi magigiba.”
0 Comments