Manggagawang Pangkultura at Art Handler

Agosto 27, 1977 – Mayo 4, 2021

Si Rodel Ayungao, tubong Sultan Kudarat, ay isa sa mga tagalinis at tagapangalaga ng Jorge Vargas Museum. Bilang contracted maintenance worker simula noong 2016 para sa pangunahing museo ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) Diliman, si Rodel ang nagpapanatili ng kaayusan ng mahigit 70 na art exhibits, ilang daang aktibidad, mga palihan na pansining at akademiko, at mga tour sa museo.

Ilang daang likhang sining ang dumaan sa kanyang mga kamay, katuwang ang ibang maintenance at security staff ng museo na may espesyalisadong pagsasanay sa art handling at custodianship. Sinikap din niyang magpalitada ng mga pedestal bilang agapay sa regular na pagbubuo at pagbubuwag ng mga art exhibit.

Sa paghahalinhinan ng mga tungkulin sa maliit na pangkat ng manggagawang kultural ng museo, naitatawid nina Rodel at ng kanyang katrabaho ang mga tunguhin ng mga programang pang-edukasyon at pang-eksibisiyon.

Mula sa pagbubuwal ng 15 talampakang banner stand, sa pagbubungkal ng lupa o paghahakot ng dahon para sa mga organikong artwork, o pagbubuhat ng 50 hanggang 200 kilong mga sculpture, painting, o installation art na may mga natatanging pangangailangan na hubog sa mga ideya ng imbitadong mga curator, mga artist, at iba pang stakeholder, umagapay si Rodel sa pangkat, kahit kadalasang nasa backstage ang serbisyo niya para sa museo.

Masinop at mabilis na naisagawa ni Ayungao ang kanyang mga tungkulin bago magbukas ang museo para sa arawang daloy ng mga bisita. Kadalasang tahimik sa gitna ng paggawa, masigla ang halubilo niya sa mga katrabaho sa bawat salusalo, pasinaya, o pahinga sa pagitan ng ingress at egress.

Nakatulong nang malaki ang panunungkulan ni Ayungao sa UP Vargas Museum, na kontemporaryong institusyong naninilbihan sa mga mag mag-aaral at komunidad ng UP Diliman, at sa kalakhang komunidad na pansining at pangkultura ng Maynila at ng bansa.

Categories: Obituaries

0 Comments

Leave a Reply

Avatar placeholder

Your email address will not be published. Required fields are marked *