Principal Bassoonist ng Philippine Philharmonic Orchestra
Enero 8, 1941 – Marso 31, 2021
Inilaan ni Severino Santos Ramirez ang kanyang buhay sa musika, sa kanyang pamilya, at sa kanyang mga estudyante.
Nag-umpisa siya sa kanyang career bilang miyembro ng Philippine Constabulary Band. Noong 1966, binigyan siya ng dalawang-taong scholarship para sa bassoon playing at reed making ng John D. Rockefeller III Foundation. Una siyang inanyayahan ni Maestro Oscar Yatco na tumugtog kasama ng Philippine Philharmonic Orchestra (PPO) noong 1968.
Naging bahagi sya ng Pro-Musica Woodwind Quartet sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) noong 1972, tumungo sa Taiwan upang magpa-seminar sa bassoon playing noong 1974, at naging guest artist sa Hong Kong Philharmonic Orchestra noong 1978. Naging iskolar siya sa bassoon playing sa Hanover, West Germany noong 1982.
Bukod sa pagtugtog, nakilala rin si Ramirez sa pagtuturo. Naging instructor siya sa ASEAN Youth Music Workshop sa Bangkok, Thailand noong 1986, at naging lecturer sa UP College of Music at University of Santo Tomas Conservatory of Music.
Pero kahit malayo na ang narating at iba’t-ibang musikero at estudyante na ang kanyang nakahalubilo, umuwi pa rin siya sa kanyang bayan sa Hagonoy, Bulacan upang itaguyod ang Banda Dos doon at magsilbing direktor nito, para sa mga nakakabata niyang kababayan.
Kahit pagod na sa gawaing orkestra bawat hapon, walang palya siyang tumutungo sa Hagonoy para samahan sa pag-ensayo ang banda. Tila siya amang ipinagmamalaki ang banda sa tuwing magkakaroon ito ng pagkakataong tumugtog sa ibang probinsiya, lalo na nang maimbitahan ito sa Luneta ng Lungsod Maynila para sa Concert At The Park.
Mahabang panahong nagsilbi si Ramirez bilang principal bassoonist ng PPO – mula 1981 hanggang sa kanyang pagreretiro noong 2006. Siguro, hinanap agad ng katawan niya ang pagtugtog sa orchestra, dahil walong buwan matapos mag-retiro, nagkaroon siya ng stroke.
Sa paglipas ng mga taon, si Ramirez ay mas kilala sa tawag na “Ka Bibing” – ang katagang “Ka” ay marka ng isang alamat sa musika, at taong tinitingala ng marami.
Mahal na mahal ni Ka Bibing ang pagiging guro at musikero, kuwento ng kanyang pamilya. “Hanggang sa huli, gustong-gusto niyang makinig at manood ng classical at orchestral performances,” ayon sa kanila.
Masayahin, palakaibigan, mabait – iyan siya para sa kanyang anak na si Heidi. Hindi magdadalawang-isip na tulungan ang nangangailangan.
Bilang haligi ng tahanan, sinigurado ni Ka Bibing na matustusan lahat ng pangangailangan ng pamilya. Puno siya ng payo na mag-aral mabuti, maging masipag, mag-ipon, at hanapan ng saya ang pang-araw-araw na buhay. Lagi siyang may dalang pasalubong, alaala ni Heidi: ice cream, cake, pizza. Kapag Sabado o Linggo, isinasama niya ang magkakapatid sa Cultural Center of the Philippines Complex upang magbisikleta at mamasyal.
Kung may libreng oras, gumagawa siya ng reed para sa kanyang bassoon.
Saksi din ang pamilya kung paanong ituring ni Ka Bibing bilang malalapit na kaibigan ang kanyang mga estudyante.
Taong 1994 nang unang makilala ni Frenvee Andra si Ka Bibing. Agad nakita ni Frenvee na pambihirang tao ang kanyang guro. Lahat ng tao sa Conservatory, kilala siya. Mahilig siyang magbiro. Palakaibigan. Bukas ang tahanan sa mga estudyante niya para mag-lesson doon. Siyempre pa, kasama na rin ang kuwentuhan at pagninilay tungkol sa buhay. Nakita rin ni Frenvee kung paano balansehin ni Ka Bibing ang oras niya sa musika at sa kanyang pamilya.
“Isang haligi ng bassoon playing sa Pilipinas si Ka Bibing,” ani Frenvee, na ngayon ay bassoonist na rin sa PPO. “Kaming mga estudyante niya ay patuloy na tumutugtog ayon sa kanyang mga panuntunan.”
Di matatawaran ang mga naituro ni Ka Bibing sa susunod na henerasyon ng musikero. Magsikap maging mahusay, lagi niyang bilin. Ngunit bukod sa pagtugtog ng instrumento, may mga paalala siya sa mga estudyante: Maging masaya sa ginagawa, magpasalamat sa Panginoon, at magbahagi ng grasya sa kapwa.
“Ang pagmamahal niya sa musika – ito ang alaalang naiwan at nakatatak sa amin,” ani Heidi.
0 Comments