Manunulat, Guro at Dangal ng Wika Awardee
Hunyo 11, 1929 – Enero 18, 2022
Ipinaglaban ni Dr. Teresita V. Ramos ang wikang Filipino hanggang sa kanyang huling mga sandali sa mundo.
Ipinanganak siya sa Maynila noong Hunyo 11, 1929. Nagtapos siya bilang Cum Laude sa Unibersidad ng Pilipinas – College of Education at nagturo sa hayskul. Nakatungtong siya sa Estados Unidos nang makakuha siya ng scholarship mula sa Fullbright-Smith-Mundt program at nag-aral ng Ingles sa University of Michigan. Sa pagbabalik niya sa Pilipinas upang magturo ng Ingles ay inanyayahan naman siya ng Philippine Center for Language Study at Rockefeller Foundation upang sumulat ng gabay ng mga guro sa pagtuturo ng mga wika. Hindi nagtagal, matapos ang proyektong ito ay naglingkod siya sa Department of Education (DepEd) bilang supervisor at language coordinator.
Hindi naging hadlang ang kahit ano para sa kanya upang mapaghusay ang kaalaman sa iba’t ibang wika, lalo na yaong mga hindi gaanong kilalang wika. Natamo niya ang kanyang masteral degree sa Lingguwistika sa University of Los Angeles, at doctorate degree naman sa University of Hawaii noong 1964, sa pamamagitan ng scholarship mula sa Rockefeller Foundation. Tuluyang namayagpag ang adhikain niyang makilala ang wikang Filipino, at naging miyembro siya ng faculty ng University of Hawaii noong 1970.
Sa estado ng Hawaii niya sinimulang ipakilala ang natatanging mga wika ng Pilipinas. Tagalog, Waray, Kapampangan, Ilokano at iba pa ang ilan sa mga nauna niyang itinuro bilang Language Training Coordinator. Nabighani ang pamantasan sa angking kaalaman at pagmamahal niya sa sariling wika at kultura – hindi nagtagal ay tinulungan siya ng mga ito upang pasimulan ang Filipino Language Program. Inalok ng UH, hindi lamang sa Filipino, ngunit pati na rin sa mga Amerikano, ang kursong BA Philippine Literature at Filipino Language.
Mayroong humigit-kumulang na 20 na nalathalang libro ang isinulat ni Ramos bilang gabay, at pag-unawa sa mga wika ng Pilipinas para sa mga banyaga. Itinatag din niya ang Consortium for the Advancement of Filipino, at siya rin ang kauna-unahang pangulo ng National Council of Organizations for Less Commonly Taught Languages.
Sa loob ng halos 60 taon na pagtuturo sa loob at labas ng Pilipinas ay patuloy siyang binibigyang-parangal. Kinilala siya bilang Professor Emeritus sa UH. Taong 2012 naman noong iginawad sa kanya ang Paz Marquez Benitez Award ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas. Ito ay ipinagkakaloob sa mga guro na ibinuhos ang kanilang buhay sa pagtuturo ng Filipino at malikhaing pagsulat. Ginawaran din siya ng Komisyon sa Wikang Filipino ng Dangal ng Wika Award sa bulwagan ng Sentrong Pangkultura ng Pilipinas noong 2019.
Inilarawan siya ng matalik na kaibigan at katrabahong si Dr. Ruth Elynia Mabanglo bilang isang mabuting anak, kapatid, at kaibigan. Ayon sa beteranong makata na si Dr. Mabanglo, “hindi ko siya makakalimutan kailanman. Mahal na mahal ko siya.” Wala mang naging asawa si Ramos ay itinuring nitong pamilya ang mga kaibigan at estudyante. Ibinuhos niya ang kanyang buhay sa pagtuturo at malasakit sa kapwa. Nakapanayam ni Alma Miclat si Dr. Mabanglo para sa isang artikulo sa Philipine Daily Inquirer noong 2019. Ibinahagi dito ni Dr. Mabanglo kung paano siya inalagaan ni Ramos nang tatlong buwan nang siya ay magkaroon ng brain aneurysm at amnesia. Itinuring din siya nito bilang isang tunay na anak.
Ika-18 ng Enero 2022 nang namaalam nang tuluyan si Dr. Ramos.
Nagluluksa ang mga dalubhasa sa wika sa pagpanaw ni Dr. Teresita V. Ramos, Professor Emeritus at tagapagtaguyod ng Filipino and Philippine Literature Program sa University of Hawai’i at Manoa. Patuloy na nagpapasalamat at ipinapanalangin siya ng matalik niyang kaibigan sa pamamagitan ng tula. Narito ang ilang taludtod ni Dr. Mabanglo:
“Bagaman wala na siya
Sa tabi ko,
Alam kong gabayan
At susubaybayan niya ako.
Salamat, Tita.
Lagi’t lagi kong aasaming
Narito ka,
Lagi’t laging aalalahanin
Ang mga
Payo’t pangaral mo,
Lagi’t laging kakapit ako
Sa ‘wisyo ng halimbawang
Natutuhan ko sa inyo.
Ngayong anghel ka na,
Tulungan mo po kaming
Naiwan mo rito
Na lalong higit na kumapit
Sa Maykapal.”
0 Comments