Administrative staff ng CCP, huwarang katrabaho
Disyembre 26, 1946 – Setyembre 29, 2020
VIRGINIA TABANERA RAMOSO (kilala rin bilang si Henia, 1946-2020) ay ginugunita ng mga kasamahan sa Sentrong Pangkultura ng Pilipinas (CCP) bilang isang huwarang empleyado at isang inspirasyon ng positivity at pag-asa sa gitna ng mga hamon ng buhay. Ayon nga sa kasabihan, “Daig ng taong maagap, ang taong masikap,” pero si Ramoso ay hindi lang maagap, kundi masikap din. Ito ang dahilan ng kanyang pagtagal sa serbisyo. Nakita rin ng mga namamahala sa kanila na maaasahan si Ramoso at malaki ang naging ambag niya sa tagumpay ng buong organisasyon.
Si Ramoso ay naglingkod sa Sentrong Pangkultura ng Pilipinas (CCP) ng halos tatlong dekada. Nagsimula si Ramoso sa mga pangkaraniwang gawain sa CCP. Dahil likas na masipag at maayos na paglilingkod sa paligid na kanyang pinaglilingkuran, tumagal siya sa serbisyo bago siya nagretiro. Dumaan siya sa iba’t ibang bahagi ng administrasyon ng CCP. Ang huling opisinang pinaglingkuran niya ay ang Visual Arts and Museum Division.
Si Ramoso ay simpleng tao, hindi mareklamo at laging nakangiti. Tulad ng ibang empleyado sa CCP, tahimik magtrabaho at gagawin ang nararapat upang magkaroon ng sabayang tagumpay ang opisinang kinabibilangan. “Kahit nahihirapan siya sa trabaho at sa sariling personal na buhay, hindi talaga siya mahilig mag-complain,” ayon kay Josie Tabanera, kapatid ni Ramoso. “Laging nakangiti kahit napapagalitan at walang bahid ng sama ng loob sa mga kasamahan sa kaopisina. Minsan natanong siya ng aking nakakatandang kapatid, “Henia, di ka ba nahihirapan sa buhay mo?” Agad na nakangiting sinagot at nagsabing “Hindi, baka ikaw?” Sa buong pamilya namin, siya yata ang pinakapositibong taong nakilala ko.” Lingid din sa ibang kasamahan niya sa trabaho, likas na mabait at matulungin sa ibang katrabaho lalu na sa pagtulong sa pananalapi. “Isang bagay na saludo ako sa kanya, kahit alam ko na siya mismo ay salat din sa buhay,” salaysay ni Josie.
Bago natanggap sa CCP, nagtrabaho muna si Ramoso sa Philippine Navy sa Sangley Point, Cavite. Natutunan nya rito ang kahalagahan ng disiplina, kaayusan, kalinisan, at pagiging maaga.
Ang disiplina at pagiging istrikto sa kaayusan at kalinisan ay dala rin nya sa bahay. Bilang nakatatandang kapatid, madalas niyang sinasabihan ang mga nakababatang kapatid kapag nakitang kulang sa linis o walang kaayusan ang buong bahay sa Makati. Dahilan ito upang tawagin siya ng mga kapatid na “Inspector General.” Ito rin ay dala-dala niya hanggang sa kanyang pag-aasawa at ng magkaroon ng anak at mga apo.
Maliban sa trabaho, mahilig din si Ramoso sa larong badminton, kasama ang mga kapatid bilang bondingan nila sa kanilang lugar sa Makati.
Si Ramoso ay ipinanganak nina Gerardo Tabanera at Julita Panong noong 26 Disyembre 1946 sa La Paz, Cortez, Bohol. Nag-aral sa AFPSEM High School sa Murphy, Quezon City, nakapagtapos ng Bachelor of Elementary Education at Masters degree sa Philippine Normal College at nakapasa rin sa Professional Board Examination for Teachers (PBET).
Sa kanyang pagpanaw ay naiwan ang kanyang butihing asawang si Roger, kaisa-isang anak na si Mariz, at mga apong sina Hannah Grace, Casey, at Sam. Tulad ng amang sundalo, naglingkod si Ramoso sa bayan ng tapat, maagap, at masikap.
0 Comments