Dibuhista sa komiks at storyboard, Layout artist sa daigdig ng animation

Nobyembre 23, 1955 – Abril 12, 2021

Si CLEM RIVERA ay isang dibuhista sa komiks, storyboard at layout artist sa animation. Siya ay ipinanganak noong ika-23 ng Nobyembre, 1955. Walang pormal na pag-aaral sa mundo ng sining, matapos niyang mag-aral sa Rizal High school sa Pasig ay nagtrabaho siya bilang clerk sa isang pabrika ng sinulid. Nagpakasal siya at isa sa mga naging ninong ay ang sikat na dibuhista na si Mar Santana. Naging interesado siya na magtrabaho sa komiks dahil sa pagkakakilalang ito kaya tumigil siya bilang clerk at nag-apprentice sa studio ni Mar Santana, na noo’y gumagawa ng dibuho ng mga nobela, serye, at short stories sa komiks.

Makalipas ang anim na buwan, sinabihan siya ni Santana na maaari na siyang pakawalan, kailangan nang gumawa ni Clem ng sariling pangalan sa komiks.

Taong 1981, pinasok niya ang Graphic Arts Services, Inc. (GASI), ang isa sa pinakamalalaking publikasyon sa Pilipinas. Una niyang dinibuho ang ‘Ang Nagagawa ng ng Pag-ibig’ na isinulat ni Josie Aventurado para sa Silangan Komiks. Iyon ang nagsilbi niyang pasaporte kaya naging regular na siya hindi lamang sa GASI kundi sa iba pang publikasyon tulad ng Atlas, Rex, at Affiliated.

Nakita ng sikat na manunulat na si Pablo S. Gomez ang kanyang mga trabaho kaya kinuha siya nito upang gawin ang nobelang ‘Hiwaga’ para sa Superstar Komiks. Nasundan pa ito ng ‘Bangis’ para naman sa Holiday Komiks. Sa Rex Publications ay ginawa niya ang ‘Anak ng Kumunoy’ na isinulat ni Rodie Marte Metin para sa Darling Komiks, ‘Kumukulong Dugo’ ni Nerrisa Cabral para sa Honey Komiks, at ang ‘Kay Ilap Mo, Mahal’ ni Ed Tuboran para naman sa Marvel Komiks.

Wala pang tatlong taon mula nang pumasok siya sa komiks ay itinuring na siyang ‘superstar’ na dibuhista dahil sa pagpapakita ng dedikasyon at pagpapaunlad ng sining. Hindi mabilang ang kanyang mga ginawa sa mga hanay na ito ng manunulat, tulad nina Vic Poblete kung saan marami silang pinagtambalan tulad ng ‘Dreamboy’, ‘Melodina’ kasama ulit si Pablo S. Gomez, ‘Bartolo Bato’ ni Xenia, ‘Kokok’ ni Mar Santana, ‘Dino Dinero’ ni Rod Santiago, at ‘Captain Barbell’ ni Mars Ravelo.

Siya ay nakatanggap ng ‘Gawad Parangal ni Doña Elena Roces’ sa ilalim ng Graphic Arts Services, Inc., at Affiliated Publications bilang ‘Pinakamahusay na Dibuhista’ noong 1991.

Kapag narating na ng isang dibuhista ang mataas na kalidad sa kanyang trabaho, ang mga publikasyon na mismo ang magtatambal sa kanya sa mga sikat at mahuhusay na manunulat ng komiks sa bansa, ito ang kuwento ng karera ni Clem Rivera.

Categories: Obituaries

1 Comment

Farrell · November 17, 2021 at 8:53 pm

Rest in power my old man. Never would I forget you. Your death have purified my heart in a way that I now love life more than I used to, to know that everything can be taken away in just a snap. To hold on dearly to every moment like it was my last, to show how others really mean to me, to never allow hatred overshadow my heart. You helped me cultivate an emotional invicibility.. I will forever be greatful for you Daddy. I love you till death and beyond

Leave a Reply

Avatar placeholder

Your email address will not be published. Required fields are marked *