Pinakamasayahin at Pinakaaktibong Dibuhista sa Bansa

Mayo 27, 1944 – Marso 30, 2021

Si Danny Acuña, o mas kilala bilang simpleng ‘Mang Danny’, ay isa na siguro na pinakamasayahin at pinaka-aktibong dibuhista sa bansa kahit pa sa hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay.

Siya ay ipinanganak noong Mayo 27, 1944, at anim na taong gulang pa lamang ay alam na niya na mundo ng sining ang papasukin. Hindi siya kumuha ng anumang kurso sa sining, ngunit naging puhunan niya ang determinasyon upang sumabak sa larang na ito.

Nagsimula ang dibdiban niyang pag-aaral ng drawing dahil sa pagtuturo at gabay ng isang mahusay na dibuhista ng komiks na si Fred Carillo noong panahon ng Ace Publications. Huling taon ng dekada 60 ay nakamit niya ang pagiging propesyonal na komiks illustrator nang bigyan siya ng break sa magasing Tagumpay, na inilalathala ng Makabayan Publication. Magmula noon ay nakagawa na siya ng marami pang short stories sa iba’t ibang publikasyon na naging dahilan upang magtuloy-tuloy na ang kanyang pagtatrabaho sa industriya.

Dekada 70 ay nagkaroon ng pagkakataon si Mang Danny upang maging bahagi ng mga batang artist sa ilalim ng Mar Santana Studio, na ipinangalan sa isa ring batikang dibuhista.

Naging bahagi si Mang Danny ng organisasyon ng mga dibuhista na tinatawag na HAND, na nang mga panahong iyon ay pinamumunuan ng isa ring mahusay na artist na si Nestor Malgapo. Kinuha rin siyang assistant nito kinalaunan.

Makalipas ang ilang taon bilang assistant at paggawa ng short story illustrations sa iba’t ibang komiks ay nagkaroon siya ng pagkakataong gumawa ng nobela. Kinuha siya ng RGA Publications upang gumuhit para sa isinulat ni Raymundo G. Aure.

Dekada 70 rin nang magsubok na siyang magsulat ng sariling kuwento, nahilig siya sa mga fantasy at comedy stories at ipinapasa niya ito sa Rex Publications. Siya rin ay gumuhit ng mga political cartoon. Noong 1980, ginawa niya ang nobelang Momoy En Momo na isinulat ni R.R. Marcelino at inilathala sa Pilipino Reporter ng Affiliated Publications. Bukod dito ay marami pa siyang ginawang character at nobela kabilang na ang Orbot the Robot, Chutay, Satania, Bangkay Kitang Hahakbangan, Domino Blanco, Killer Gay, Dinong Porma, Mabangis na Pagbabalik at ang Buchicoy na lumabas sa Funny Komiks kung saan siya mas nakilala. Minsan din siyang gumuhit ng mga komiks para sa mga politiko.

Bagama’t wala na ang mga publikasyon ng komiks noon, at marami na ang nagretiro sa mga beterano nito, si Mang Danny ay nanatiling aktibo sa mga art at komiks event sa bansa, gaya ng Komiket, at madalas ay nagsasagawa ng live portrait sketch sessions. Isa sa mga ito ay ang Performatura Festival 2019 ng Sentrong Pangkultura ng Pilipinas. Dito ay kapiling niya ang mga batang manlilikha ng komiks at sama-sama nilang ipinagdiwang ang ika-100 anibersaryo ng kapanganakan ni Francisco Coching, Pambansang Alagad ng Sining, manunulat at artist ng komiks. Sa mesa ni Mang Danny, kinomisyon siya ng mga attendee para sa live portrait sketch sessions.

Taong 2016 ay aktibo pa rin sa pagtuturo ng ilustrasyon si Mang Danny sa kabataan. Isinasama naman niya ang kapwa senior citizens na mag-sketch sa iba’t ibang lokasyon. Nag-i-illustrate din siya ng coloring books para sa mga bata. Lahat nang ito ay ginampanan niya nang may napakasayang disposisyon at pananaw sa buhay. Laging may nakahanda na ngiti para sa kapwa si Mang Danny. Siya ay sumakabilang-buhay noong Marso 30, 2021.

Ang kanyang huling komiks na ginawa ay ang ‘Nazareno’ bilang pagpapasalamat sa poon ng Quiapo. At sa katunayan, nito lamang Enero 2021 ay nagkaroon siya ng puwesto sa underpass sa gilid mismo ng simbahan ng Quiapo kung saan patuloy siyang nagbebenta ng kanyang mga obra at nagbibigay ng serbisyo sa gustong magpa-drawing.

Katulad ng marami niyang kasabayan ay marami ring kabataan ang nalungkot nang malaman ang pagpanaw ni Mang Danny. Isa rito ay si Caroline Perez. Ito ang kanyang pagbabaliktanaw at pagpapasalamat. “Napakakuwela n’yo po, Sir Danny, pero ngayon, napaluha n’yo ‘ko. Ang sabi mo sa ‘kin, ‘hinding hindi ‘yan mawawala sa ‘yo. Ipahinga mo man, pag gumuhit ka ulit, nandiyan pa rin ‘yan. Ilipat-lipat mo ang pressure pag gumuguhit ka, para di ka mapagod.’

Categories: Obituaries

1 Comment

John Brix M. Aberilla · January 19, 2022 at 2:08 am

Good Am po gusto ko lang po sanang makahingi ng info san nahimlay si mang danny. Isa po ko sa mga nabigyan ng pagkakataon na maidrawing ni mang danny sa isang event nuong 2019 sa sm manila.

Leave a Reply

Avatar placeholder

Your email address will not be published. Required fields are marked *