VLF Actor at Performer sa Teatro, Pelikula at Telebisyon

Agosto 12, 1971 – Setyembre 2, 2021

Propesyonal. Walang attitude. Life of the party. Ito ang mga salitang ipinanlarawan ng mga kaibigan at katrabaho ni Richard Manabat.

Ang Kapampangan na si Richard Manabat ay isang versatile na aktor sa teatro, pelikula at telebisyon. Siya rin ay isang fight director. Nakatulong nang malaki sa kanyang ginagawa ang pagiging chief instructor sa Aikido Brotherhood Club at pagiging guro ng arnis at judo.

Ayon sa anak ni Richard na si Vermont, teatro ang naging dahilan kung bakit minahal nito ang sining ng pag-arte. Si Richard ay bahagi ng dulang Noli at Fili Dekada Dos Mil ni Nicanor Tiongson, sa direksiyon ni Soxie Topacio (2015). Di matatawaran ang pagganap ni Richard sa Mga Eksena sa Buhay ng Kontrabida, isang dula ni Dustin Celestino sa Virgin Lab Fest ng Sentrong Pangkultura ng Pilipinas.

Regular din siyang aktor ng Sandbox, Productions, Inc., Regal Films at PETA (Philippine Educational Theater Association).

Ayon pa rin kay Vermont, panonood ng pelikula at serye ang bonding nilang mag-ama, “at kung minsan ay mayroon kaming notes sa harapan namin. Sa kadahilanan na ikikritiko namin ang pinanonood, kung ano man ang nakita naming maganda at mali sa perspektibo namin, isusulat namin ito, hahanapin at magdidiskusyon kami kung ano ang ugma na shot, acting, lighting at iba pa.”

Ganito kaseryoso sa kanyang sining si Richard. Marami na siyang naging pelikula, at ang ilan sa pinakahuli na kanyang pinagganapan ay Filemon Mamon (2015), isang musical comedy na pelikulang hango sa librong pambata, Fallback (2017), isa sa mga pelikula ni Jason Paul Laxamana, Mina-Anud (2019), Utopia (2019), sa panulat at direksiyon ni Celestino, at bilang bilang Commanding Officer ng Mindanao (2019) sa direksiyon ni Brillante Mendoza.

Si Richard ay isa sa mga aktor ng The Travel Teleserye ng GCTV Cignal, at A Love to Last ng GMA 7, kung saan suki rin siyang performer sa mga programa at show nito.

“Kayo ang kayamanan ko,” ito ang turing ng ulirang ama na si Richard sa kanyang maybahay at tatlong anak.

Pumanaw siya noong Setyembre 2, 2021 sa edad na 50 dahil sa COVID.

Nagpupugay ang mandudulang si Celestino sa husay at kabutihan ni Richard Manabat, “Huling tagay para sa iyo, kaibigan. Para sa iyong mga di malilimutang karakter, para sa matatalas na bato ng linya, para sa lahat ng tinakot mo bilang kontrabida, para sa lahat ng pinatawa mo’t pinaluha sa entablado at pelikula, para sa buhay na nagmula sa gulo, pero nauwi sa kabutihan at kabuluhan.”

Categories: Obituaries

1 Comment

Arderl john d. Manabat · September 14, 2021 at 2:39 pm

Thank you so much, CCP! ❤

Leave a Reply

Avatar placeholder

Your email address will not be published. Required fields are marked *