Manunulat, Guro, at Organisador ng mga Manunulat sa Bikol

Oktubre 27, 1964 – Nobyembre 8, 2021

Si Honesto “Jun” M. Pesimo, Jr. ay isang manunulat, guro at organisador ng mga manunulat sa Bikol.

Isinilang siya noong Oktubre 27, 1964 sa Dinaga, Naga City. Nagtapos ng BA in English sa Ateneo de Naga University, kalaunan ay kumuha ng MA in Educational Management sa Aquinas University bilang isang Civil Service Scholar at nagtapos din siya ng MA in English sa Naga College Foundation. Nagsilbi siya bilang guro sa loob ng 24 na taon sa Concepcion Pequena National High School, Naga City, tatlong taon sa pagiging principal sa Leon Q. Mercado High School, tatlong taon bilang Education Program Supervisor-1 sa DepEd Naga City Division at 16 na taon bilang Associate Professor sa Mariners Polytechnic Colleges sa Camarines Sur.

Siya ang awtor ng mga librong Bagyo sa Oktubre (2009) at Sa Ngaran Nin Aki/ Sa Ngalan ng Anak (2020).

Walang naging asawa si Sir Jun, ngunit nagkaroon siya ng isang anak na babae, si Ninia Denise G. Pesimo, at kalaunan ay inampon niya si Julius Denido Bulahan noong katorse anyos ito.

Isa si Sir Jun sa nagtatag ng KABULIG-Bikol, organisasyon ng manunulat, mananaliksik, at kritiko ng literaturang Bikol, at gayundin ang PAGSIRANG, Inc. Aktibo ang partisipasyon ni Sir Jun sa organisasyon bilang sekretaryo nito. Sa katunayan, siya ang naging patnugot ng librong inilimbag ng organisasyon na may pamagat na Girok:erotika noong 2017. Naging patnugot din siya ng Bangraw, isang magasin na ipinipinta ang ganda at galing ng panitikan, at kulturang Bikol na buwanang naglalathala nito.

Karamihan sa kaniyang akda ay inilimbag sa Home Life at Philippine Panorama. Kabilang din ang mga tula niya sa antolohiya ng National Commission For Culture and the Arts tulad ng Mantala, Haliya: Bikol Poems and Poets, and Journal of Bikol Writings. Inilathala rin ng Bicol Plan International ang kaniyang Mga Tula, Dula at Awitin Para Sa Kalikasan. Inilimbag din ang kaniyang mga tula sa opisyal na literary journal ng Sentrong Pangkultura ng Pilipinas, ang Ani, sa mga isyu nito na 37, 39 at 40. Kabilang din ang kaniyang tula sa librong Sagurong: 100 na Kontemporanyong Rawitdawit sa Manlain-lain na Tataramon Bikol (2011).

Taong 2000, naging fellow siya sa 36th National University of the Philippine Creative Writing Workshop na ginanap sa Baguio City, 2nd Pagsurat Bikolnon, Palanca Workshop, at Kabulig-Bikol Workshop. Isa siya sa mga panelista ng kauna-unahang Juliana Arejola-Fajardo Workshop sa Pagsurat-Bikol noong 2004.

Pumanaw si Sir Jun sa edad na 57, kasama ang kaniyang mahal na mga anak.

Dahil sa di-matatawarang ambag at kahusayan bilang makata ni Sir Jun, hindi na nakapagtataka ang mga nakamit niyang mga pagkilala, nagwagi siya sa 1991 Gawad Ka Amado, 2nd prize sa 1995 at 2001 Home Life Poetry Competition, 1st at 3rd prize sa naturang paligsahan din noong 2006 at 2008, 2nd prize sa KWF Gantimpalang Collantes dahil sa kaniyang tula na, Sa Pampang ng aking Ilog at naging finalist din siya sa Premio Tomas Arejola Para Sa Literaturang Bikolnon.

Lumisan man ang magaling na makata, hindi matatawaran at makakalimutan ang masidhi niyang pagtataguyod ng sining at kultura ng mga Bikolano.

Categories: Obituaries

1 Comment

Julius Denido Bulahan · June 23, 2022 at 6:28 am

Maraming Salamat po!

Leave a Reply

Avatar placeholder

Your email address will not be published. Required fields are marked *