Makata, Tagasalin, Guro, Gabay-buhay

Setyembre 25, 1982 – Oktubre 23, 2022

Tila may mahika sa mga salitang nagmumula sa panulat ni Ryan Tanauan, o Rem para sa kanyang mga kaibigan at personal na kakilala. Nakikita ni Rem noon ang mga bagay tungkol sa mga salita na hindi nakikita ng iba. “Word intuitive” ang naitawag niya dati sa sarili—may kakayanang umunawa ng mga salita nang mas malalim kaysa nakasanayan, maging ito man ay kahulugan, pinagmulan o ugat, anyo, bigkas, o hiwaga. Halimbawa, bumubulong sa kanya ang bago at maginhawang anyo ng naturing na mabigat at negatibong mga salita, isinasayaw niya ang diwa ng mga salita gamit ang intuition/kutob, at nagsusulat ng mga tulang panalangin.

Isang makata at manunulat si Rem, ngunit lagi niyang sinasabi na dumaan sa sampung taon na pagkahinto ang kanyang panulat. Pagkatapos niyang hukayin ang kanyang balon sa loob, bumalong ang mga taludtod na nakapaghatid din ng ginhawa sa iba. Itinuturo niya ang halaga ng pagbabalik sa sariling balon sa Tungko ng Tula, isang komunidad na sinimulan niya noong panahon ng pandemya (Abril 2020). Sumasailalim ang mga estudyante ng Tungko ng Tula sa siyam na linggong pag-aaral at pagbabahagi ng tula sa Zoom. Isang bukas at ligtas na espasyo ang Tungko, kung saan humihinga at nagbabahagi ng saloobin ang mga estudyante, at ang mga hindi pa nakasusulat ng tula at mga matagal nang hindi nakapagsusulat ay maginhawang dumadaloy sa paglikha ng tula. “Tuloy-daloy” ang parating mala-mantra na paalala ni Rem sa bawat pagkikita ng mga taga-Tungko, at nang lumaon, pati na rin sa ibang kadaupang-palad na manlilikha. Matatagpuan ang ilang tanaga ni Rem sa @ditomuna sa Instagram at ilang tula sa Lalim Lawak blog. Inilathala rin ang ilang tula niya, halimbawa, sa Ani ng Cultural Center of the Philippines.

Bukod sa pagpapadaloy ng Tungko ng Tula, mahusay rin si Rem na facilitator sa mga retreat, teambuilding, at iba pang gawaing nagpapaginhawa. Gamit ang malalim na pakikiramdam at pag-aaral ng pamamaraan sa Pilipinas at sa ibang bansa, nag-fa-facilitate si Rem sa mga estudyante, mga kumpanya, non-government organizations, persons deprived of liberty, at iba pang grupo at komunidad.

Pinakamaigting kay Rem sa kanyang pagpapadaloy ay ang kanyang gawain bilang life direction consultant at decision-making coach gamit ang Yijing (I Ching), isang orakulong sanggunian ng mga pinuno sa sinaunang Tsina bilang gabay sa mahahalagang pagpapasya. Simula 2016, napakarami nang ginabayan ni Rem na iba’t ibang tao at grupo sa pagdedesisyon sa mga usaping pamilya, relasyon, trabaho, negosyo, at iba pa. Makikita ang kanyang malikhaing pagninilay at proseso sa Yijing sa kanyang website na iching.ph.

Kaugnay ng pagpapalalim niya sa lumang tradisyong Tsino, ng pagiging makata, at nang lumaon, sertipikadong tagasalin sa ilalim ng Komisyon sa Wikang Filipino, ay nagawa niyang isalin ang Tao te Ching ni Lao-Tzu sa wikang Filipino.

Bago lumalim si Rem sa paggabay-buhay gamit ang I Ching, ang inaral niya at sinikap unawain ay pag-ibig. Bilang “love guru,” adbokasiya niya ang pagtuturo ng iba’t ibang mukha at aspekto ng pag-ibig bilang kanyang kontribusyon sa lipunan at sangkatauhan. Kaugnay nito ang dedikasyon niya sa mga grupong naging bahagi ng kanyang buhay kagaya ng GINHAWA, Unity, Love Peace Harmony, Inner Peace Foundation, FLOW, Philippine Vipassana Society, LIRA, at iba pa. Makikita ang kanyang pagninilay sa pag-ibig sa kanyang blog na pathfinderscommune.com.

Sa lahat ng kanyang pagpapadaloy, paggabay at mga kaugnay na gawain, may kakayanan si Rem na basahin ang mga kadaupang-palad at makipag-usap nang puso sa puso. Kusang bumababa ang harang na nakapalibot sa isang tao, at naaabot ni Rem ang loob ng kausap.

Kaya naman napakarami niyang kaibigan. Ito ay mga kakilalang humihingi ng payo, nagpapadala ng mensahe sa dis-oras ng gabi, nagpapatulong, naghahanap ng ginhawa, nagpapasalba. Lahat sila ay kanyang hinaharap, binibigyan ng panahon, tinutulungan sa abot ng kanyang makakaya. Hangga’t maaari ay hindi tumatanggi si Rem, kaya’t madalas ay abala siya sa kung ano-anong bagay para sa kapwa. Natatanging regalo niya sa mundo ang kanyang oras, pakikipag-ugnayan, at presensiya.

Si Rem ay pumanaw noong Oktubre 23, 2022 sa kaniyang lalawigan, ang Batangas. Sa tribute sa kanya noong burol at maraming nagpapahayag ng halaga ni Rem sa buhay nila, mangilan-ngilan ang namangha at nagtanong: “Paano kaya niya tayo napagkakasya sa kanyang puso?” Hiwaga lang marahil ang makasasagot dito, gaya ng mahika ni Rem sa mga salita.

Categories: Obituaries

1 Comment

Susan Cristie D. Belmonte · October 22, 2023 at 11:04 am

Tuloy-daloy ang buhay
Tulad ng isa ng tula
Tuloy-daloy kung tunay
Pag-ibig mo sa kapwa

Ganyan si Rem Tanauan ❤️

Leave a Reply

Avatar placeholder

Your email address will not be published. Required fields are marked *